X’mas bonus ng staff ng mga Cong., mas malaki pa sa suweldo sa buong taon
- Pabs Hernandez III
- Dec 21, 2019
- 2 min read
POLITICAL DYNASTY NG MGA DUTERTE SA DAVAO, GAGAWIN SA BUONG PILIPINAS?—Usap-usapan ngayon ang ‘Duterte-Duterte’ sa 2022 elections. Ibig sabihin, sa taong ito ay kakandidato si Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagka-pangulo at bise-presidente naman si P-Duterte.
Aba, sakaling manalo ang mag-ama, posibleng ‘Duterte-Duterte’ pa rin sa 2028 Presidential Elections, si Cong. Paolo “Pulong” Duterte para sa pagka-pangulo habang si Sara naman sa pagka-VP. At pagsapit ng 2034 Presidential Elections, ‘Duterte-Duterte’ ulit, si “Baste” ang kakandidato sa pagka-pangulo habang si “Pulong” naman ang sa pagka-VP.
Naku, kapag nangyari ito, ang political dynasty na ipinairal ng mga Duterte sa Davao City ay gagawin na nila sa buong bansa, boom!
◘◘◘
MGA MANGGAGAWA, TODO-KAYOD SA LOOB NG ISANG TAON PARA KUMITA NG P140 K, PERO ANG MGA STAFF NG CONG., SA ISANG IGLAP LANG AY MAY P150 K NA—Nakadidismaya ang pagbibigay ni Speaker Alan Peter Cayetano ng tig-P150 K Christmas bonus sa mga empleyado ng kongresista sa House of Representatives.
Mantakin ninyo, ang minimum daily wage ng mga manggagawa sa Metro Manila ay P537 per day at sa tala ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang working days sa bansa sa isang taon ay 261 at sa kuwentada natin, P537 x 261 = P140,157, ibig sabihin, kailangang magbanat ng buto sa loob nang buong taon ang manggagawa para kumita ng P140,157, tapos sa isang bigayan lang, ang pa-Christmas bonus ni Cayetano sa mga staff ng mga cong. ay P150 K, buwisit!
◘◘◘
PAMUMUDMOD NI CAYETANO NG TIG-150 K SA STAFF NG MGA CONG., DAPAT PAIMBESTIGAHAN NI P-DUTERTE—Dapat paimbestigahan ni P-Duterte kung naaayon sa batas ang ginawang pamumudmod ni Cayetano ng tig-P150 K sa staff ng mga kongresista.
Agrabiyado ang taumbayan sa ginawang ‘yan ni Cayetano kasi buwis ito ng taumbayan at hindi sariling pera ng Speaker, period!





Comments