Amit, bronze medalist sa World 9-Ball China

Tinapos ni Rubilen “Bingkay” Amit ng Pilipinas ang kanyang produktibong taon sa pamamagitan ng pagsikwat ng isang bronze medal at ng kanyang pangalawang sunod na “sportsmanship award” mula sa prestihiyosong 2019 World 9-Ball Women’s Championship sa palaruan ng Jinghay International Holiday Hotel and Resort sa Sanya, China.
Naselyuhan ni Amit, dalawang beses nang naging world 10-Ball champion at kasalukuyang Word Pool Billiards Association (WPA) no. 3, ang isang upuan sa winners’ circle ng malupit na kompetisyon sa tulong ng mga tagumpay kontra kina Chinese Bai Ge (9-5); Taiwanese Wang Wan Ling (9-8); Fam Lantong (9-4); si Swedish ace Monika Margeta (7-1) at Indonesian Ewa Bak (7-1) sa paligsahang umakit ng mga pinakamalulupit na cue artists na kababaihan mula sa buong mundo.
Sa dakong huli, kinapos ang 38-taong-gulang at pamosong manunumbok mula sa Cebu nang makaharap sina Jasmin Ouschan (2-9) ng Austria at si Chinese Zhou Doudou (3-9).
Tatlong iba pang Pinay cue artists ang sumalang din sa kompetisyon: Floriza Andal, Iris Ranola at isa pang SEA Games triple medalist na si Chezka Centeno. Sa tatlo, si Centeno lang ang pinakamalayo ang naabot (unang yugto ng knockout round). Si Andal at Ranola ay hindi nakalusot sa preliminary rounds.
Sa kabila nito, makinang ang naging kampanya ni Amit ngayong 2019 dahil bago siya sumalang sa bakbakan sa China, nangolekta siya ng dalawang gintong medalya at isang pilak sa 30th Southeast Asian Games kung saan tumayong punong-abala at naging overall champion ang mga atleta ng Pilipinas.





Comments