top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg

Alamin, ang kabiguan at tagumpay ni Ramirez bago ang SEA Games

  • Gerard Arce
  • Dec 21, 2019
  • 3 min read

Bago pa man naging gold medalist ng 30th Southeast Asian Games si grappling specialist Annie Ramirez, maraming paghihirap muna ang pinagdaanan nito bago narating ang rurok ng tagumpay.

“Hindi naman naging madali ang buhay ko ever since nu’ng bata ako,” pahayag ni Ramirez sa panayam ng BULGAR. “Pero iyon ang nagtulak sa akin para mas pagbutihan lahat ng ginagawa ko,” dagdag nito.

Kinuha ng 29-anyos na multi-titled jujitsu practitioner ang kanyang unang gold medal matapos talunin si Cassandra Poyong ng Malaysia via 3-0 victory sa women’s under-55kgs division, isang bagay na hindi niya nakuha sa unang sport na minahal – ang Judo.

Labing-limang taong gulang pa lamang si Annie ng pumasok sa sports na Judo sa isang sport club sa Muntinlupa, doon nahasa siyang makipagpambuno sa iba’t ibang kalaro sa bansa hanggang sa maging parte ng Philippine National Juniors Team noong 2007.

Sa national team ay nakilala niya at naging idolo si 9-time SEAG gold champion at 2-time Olympian na si John Baylon.

Ang noo’y makisig pang si Baylon ang humasa at tumutok sa kanya sa paglalaro ng Judo at lahat ng techniques at diskarte sa laro ay ibinigay nito sa batang manlalaro.

Naging parte si Ramirez ng University of Santo Tomas judo team kung saan 4 na beses siyang nagkampeon dito at 2 beses itinanghal na Most Valuable Player sa UAAP championships. “Nabigyan ako ng chance na makakuha ng scholarship sa UST kaya na-grab ko ang opportunity,” ani Ramirez, ngunit, sa kasawiang-palad ay hindi natapos ang kanyang pag-aaral dahil tumutok ito sa kanyang pangarap na magwagi sa pandaigdigang kompetisyon.

Unang sumabak sa biennial meet si Ramirez sa women’s under-57kgs category noong 2011 Indonesian meet, subalit, ito’y nabigong makakuha ng medalya matapos itong malaglag sa 5th place, pero hindi pa rito natatapos ang kanyang karera.

Noong 2014 ay sinubukan ni Ramirez ang ibang sport na nagsisimulang gumawa ng ingay sa bansa at sa pandaigdigang kompetisyon.

“Marami na rin kasing negatibo na nangyari sa akin habang nasa judo ako. Then gusto kong i-try iyong Jiujitsu, since hindi naman kakaiba from Judo,” wika ni Ramirez, na kinailangan pang mag-adjust ng 2-taon upang magamay ang sport na pinagrereynahan niya ngayon sa kanyang dibisyon sa regional meet.

Nagsimulang mangibabaw ang karera ni Ramirez nang magwagi ito sa ilang kompetisyon ng Jiujitsu sa bansa.

Nakamit niya ang gold medals sa Phil. International BJJ Open, AbuDhabi Grand Slam World Tour, Asian Beach Games, Asian Jiu-jitsu Championships at ang prestihiyosong Abu Dhabi World Professional Jiu-Jitsu Championship.

Ganunpaman, kahit marami ng napagwawagiang palaro si Ramirez ay hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na matutupad lahat ng kanyang mga pangarap.

“Actually hindi ko ine-expect na ganito ang mangyayari sa career ko. Nagulat din ako,” sambit ni Ramirez na nagnanais na matupad ang gold medal sa Asian Games sa 2022.

“Pero ganu’n po siguro talaga kapag nandoon iyong hard work at dedication. Walang imposible,” dagdag nito.

Sa ngayon ay nakatuon ang buong pansin ni Ramirez sa kanyang adbokasiya na makapagturo ng Jiujitsu at judo upang makapagbigay inspirasyon at motibasyon sa mga Deaf sports enthusiast na nagnanais na makapaglaro ng gusto nilang sport.

“Malaki iyong pasasalamat ko sa mga taong naging parte at tumulong sa akin sa journey ko kaya andito ako ngayon. Then ngayon din na nagtuturo na ako ng mga Deaf isa rin sila sa mga inaalayan ko ng bawat tagumpay ko.”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page