Taas-suweldo, magandang pamasko sa mga taga-gobyerno

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Tuwang-tuwa at nag-uumapaw ang ating pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagsertipika nito sa ating panukalang-batas na Salary Standardization Law of 2019 na maging ‘urgent’ na dahilan din para agarang maipasa ito sa ikatlong pagbasa at tiyak na itong pipirmahan ng pangulo.
Ang inyong lingkod ang principal sponsor ng naturang batas at matagumpay nating nakuha ang suporta ng mga kapwa natin senador para maipasa ang Senate Bill 1219 sa ilalim ng Committee Report No. 26 na magkatuwang na isunimite ng Committees on Civil Service, Government Organization and Professional Regulation at Finance.
Gusto lang namin ibahagi sa inyo na inilabas na sa plenaryo ang naturang batas hinggil sa hindi pagkakapantay-pantay ng dating Salary Standardization Laws kung saan ang high-earning employees ay nag-uuwi ng malaki.
At nakalulungkot sa panig ng karaniwang empleyado dahil sa tumatanggap lamang sila ng basic take home pay at kapag may increase ay asahang kakarampot lamang ang kanilang nakukuha.
Kaya pinilit naming ipaglaban ang batas na ito dahil nais nating makapamuhay ng disente ang ating mga manggagawa sa pamahalaan at talagang napapanahon na ito.
Ang panukalang Salary Standardization Law of 2019 ay mapakikinabangan ng mahigit 1.4 milyong government employees, lalo na ‘yung nasa Salary Grade 11 to 19, na binubuo ng 79 porsiyento ng kabuuang empleyado ng pamahalaan kasama ang mga teachers at nurses.
Sa ilalim ng panukalang-batas na ito, ang salary adjustment ay ipatutupad sa apat na bahagi mula sa Enero 2020. At magkakaroon ng pagtaas sa basic salary na aabot sa average ng 23.24 porsiyento kapag nakumpleto sa taong 2023.
Sa kabuuan ay mabibigyan ng mataas na increase mula 20 hanggang 30 porsiyento para sa manggagawa na nasa ilalim ng SG 10 hanggang SG 15 at ang pinakamababa para sa 8 porsiyento ng government workers sa ilalim ng SG 23 hanggang 33.
Ibig sabihin, ang base pay ng government employees sa ilalim ng SG 11 hanggang 19 ay tataas hanggang P 6, 000 matapos ang implementasyon ng SSL sa loob ng apat na taon na alam nating ikatutuwa ng mga manggagawa sa pamahalaan.
Matagal na nating gustong maipasa ang batas na ito kaya sinikap naming bago mag-Pasko ay mailatag na ito at hindi naman tayo binigo ng langit dahil pumabor sa atin ang pagkakataon.
Sobra-sobra ang pasasalamat natin kay Pangulong Duterte dahil ang pagsertipika niya ng ‘urgent’ sa SSL 2019 ay patunay ng kanyang tapat at seryosong paninindigan na patuloy na iangat ang antas ng pamumuhay ng mga kawani ng pamahalaan.
At isa ito sa nilalaman ng kanyang ipinangako noong kanyang huling State of the Nation Address (SONA) kaya hindi lang kami at ang mga kawani ng pamahalaan ang natuwa kundi maging ang kani-kanilang pamilya.
Kaya para sa mga manggagawa ng ating pamahalaan, ito ang tunay na Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments