Mga sanhi ng nakamamatay na anorexia nervosa
- Shane M. Ludovice, M.D
- Dec 20, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ang weird ng pinsan ko kasi tuwing pagkatapos naming kumain ng lunch sa school, tumatakbo siya sa restroom at pinipilit niyang isuka kung anuman ‘yung nakain niya dahil palagi niyang iniisip na mataba siya pero sa paningin ko ay okay lang ang katawan niya. Totoo ba na anorexia ang tawag sa ganitong kondisyon? — Eunice
Sagot Kadalasan, ang tawag ng marami sa anorexia nervosa ay anorexia lamang. Subalit, ito ay mali. Strictly speaking, ang ibig sabihin ng katagang anorexia ay ang pagkawala ng ganang kumain. Ang anorexia nervosa naman ay psychiatric eating disorder kung saan ang may sakit ay kusang ayaw kumain.

Ang anorexia nervosa ay madalas na sakit ng mga kadalagahan pero nabibiktima rin nito ang lahat — anumang edad o kasarian. Nais ng mga may anorexia nervosa na palagi silang payat. Ang masama pa, iniisip nila na mataba pa rin sila kahit payat na. Ang anorexia nervosa ay hindi lamang problema sa pagkain at timbang. Madalas, may kaugnayan din ito sa emotional problems ng may sakit.
Maliban sa hindi pagkain, napapababa ng anorexic ang timbang sa pamamagitan ng sobrang exercise at pag-inom ng laxatives.
Hindi natitiyak ang dahilan ng anorexia nervosa pero may mga bagay na maaaring magpasimula nito tulad ng mga sumusunod:
Biological factors — genetic factors at may kaugnayan sa hormones.
Cultural factors — paniwalang ang payat ay mas maganda.
Personal feelings — walang bilib sa kanyang hitsura at sa isip niya ay kailangan pa siyang magpapayat.
Stressful na bagay o sitwasyon — tulad ng paglipat sa bagong paaralan, bagong trabaho o iba pang traumatic events.
Ang pamilya — kadalasan, impluwensiya ng nanay o kapatid na anorexic. Ang palaging pagpuna ng mga magulang sa katawan ng anak at sa diet nito ang isa ring dahilan ng pagiging anorexic ng bata.
Mapanganib ang anorexia nervosa. Sanhi ito ng pagrupok ng buto o osteoporosis, mineral loss, mababang temperature, irregular heartbeat, pagtigil ng menstruation at pagbaba ng level ng phosphate sa katawan na maaaring maging sanhi ng heart failure, mahinang muscles, pagkawala ng immunity at kamatayan.
Ang unang dapat gawin sa anorexic ay pataasin agad ang timbang. Kailangan din ang tulong ng psychiatrist, clinical psychologist at iba pang mental health specialist. May mga clinical studies na nagsasabi na ang psychotherapy ay epektibong gamot na makapagpapabalik ng timbang.
Dapat bantayang mabuti ng mga magulang ang kanilang mga anak. Sa unang palatandaan pa lamang ng anorexia nervosa, sumangguni agad sa espesyalista kung ano ang mabuting gawin upang maiwasan ang panganib sa buhay na dulot nito.





Comments