top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Maguindanao massacre, 58 pinatay.. Ampatuan, mga pulis ‘di lahat kulong

  • V. Reyes
  • Dec 20, 2019
  • 2 min read

Photo: Supreme Court PIO (right)

Absuwelto sina Datu Sajid Islam Ampatuan, Datu Akmad ‘Tato’ Ampatuan, Sr. at Jimmy Ampatuan sa 57 counts ng murder sa nangyaring 2009 Maguindanao massacre dahil sa “reasonable doubt”.

Hindi naman hinatulan ang kaso ng ika-58 na biktima ng masaker na si Reynaldo Momay na hanggang ngayon ay hindi pa umano natatagpuan ang mga labi.

197 ang kabuuang bilang ng mga suspek sa pagpatay sa 58 katao, kabilang na ang 32 mamamahayag noong Nobyembre 23, 2009.

Sa mga ito, 15 ang miyembro ng Pamilya Ampatuan, kabilang si Andal Ampatuan, Sr. ngunit, namatay ito habang nasa detensiyon noong 2015.

Samantala, bagama’t, may mga napan na, hindi pa umano natatapos ang laban para sa hustisya.

Ayon kay Maguindanao 2nd District Rep. Esmael ‘Toto’ Mangudadatu, namatayan ng asawa at ilang kaanak sa masaker, maituturing itong moving forward subalit, wala pang closure.

“Kung may guilty verdict, pupunta silang Court of Appeals, Supreme Court. Matagal na proseso ‘yan. Long fight pa ito,” ani Mangudadatu.

Kasabay nito, ibinaba rin ng Quezon City Regional Trial Court ang hatol na guilty laban sa ilang mga utak at iba pang akusado kabilang ang ilang miyembro ng Pamilya Ampatuan.

Sa ipinalabas na 700-pahinang desisyon ni QC-RTC Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes, guilty sa mga kasong murder sina Datu Andal ‘Unsay’ Ampatuan, Jr., Datu Zaldy ‘Puti’ Ampatuan, Datu Anwar Ampatuan, Sr., Datu Anwar Ampatuan, Jr., Datu Anwar Sajid Ampatuan at iba pang mga sangkot sa krimen.

Kabilang pa sa mga hinatulang guilty sina:

  1. Inspector Saudi Mokamad

  2. Patrolman Jonathan Engid

  3. Abedin Alamada a.ka. Kumander Bedi

  4. Talembo “Tammy” Masukat a.k.a Talembo Kahar Abdulrakman

  5. Theng P. Sali a.k.a. Abdullah hamid Abdulkahar

  6. Manny Ampatuan

  7. Nasser Esmael a.k.a. Nasrudin Esmael

  8. Police Major Sukarno Dicay

  9. Supterintendent Abusama Mundas Maguid

  10. Superintendent Bahnarin Kamaong

  11. Tato Tampogao

  12. Mohades Ampatuan

  13. Mohamad To Datumanong a.k.a. Nicomedes Amad Tolentino

  14. Misuari Ampatuan

  15. Taya Bangkulat

  16. Salik Bangkulat

  17. Thong Guiamano a.k.a. Ibrahim Kamal Tatak

  18. Sonny K. Pindi a.k.a. Joven Salazar Piang

  19. Armando Ambalgan a.k.a. Jamil Bulatukan Kayansang/Bolatokan Omar

  20. Kudza Masukat Uguia a.k.a. datu Teng/Mustapha Ibrahim

  21. Edres Kasan a.k.a. Edres Gogo Alip

  22. Zacaria P. Akin

  23. Samaon Andatuan

Parusang reclusion perpetua o aabot sa 40 taong pagkakabilanggo ang ipinataw sa 28 na napang guilty. Labinlima naman ang mapipiit ng 6 hanggang 10 taon bilang ‘accessories’ sa krimen.

Pinagbabayad din sila ng danyos sa pamilya ng mga biktima. Hindi na rin kuwalipikado sa parole ang mga convicted sa kaso.

Binanggit din sa desisyon na may mahigit sa 50 akusado ang na-acquit o napawalansala sa kaso.

Samantala, nagpalabas naman ng arrest warrant ang korte laban sa iba pang suspek na pinaghahanap o hindi sumipot sa araw ng promulgasyon.

Matatandaang, Nobyembre 23, 2009, maghahain sana ng kandidatura sa pagka-gobernador ang ngayon ay Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu nang harangin ang convoy ng kanyang pamilya.

Dinala ang mga biktima sa isang lugar kung saan sila niratrat ng mga armadong grupo at ang itinuturong nag-utos ay mula sa angkan ng mga Ampatuan sa layong mapigilan ang pagkandidato ni Mangudadatu.

Samantala, nakatakda namang umapela sa korte ang mga akusado na napang guilty sa krimen.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page