top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Abusadong taxi drivers, dumarami pero walang nasasampulan

Ryan B. Sison
Dec 20, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Noon pa man, sakit na sa ulo ang mga taxi driver na namimili ng pasahero.

‘Yung tipong kapag sinabi mo kung saan ka magpapahatid, sasaraduhan ka ng bintana saka aalis habang ‘yung iba naman, hindi ka pa nakakasakay, eh, nangongontrata na kung magkano ang pamasaheng sisingilin sa‘yo.

Tulad ngayong Holiday Season, sa kabila ng pagbibigay-babala ng mga awtoridad na maaari silang magmulta o mawalan ng prangkisa, tila hindi natatakot ang mga ito at sa halip na makinig, tila dumami pa sila.

Limang araw bago mag-Pasko, palala nang palala ang trapik dahil sa holiday rush kaya maraming mamimili ang pinipili na mag-taxi na lang kaysa makipagbakbakan sa biyahe nang may bitbit na mga pinamili.

Dahil sa dami ng masusungit na tsuper na walang ibang idinadahilan kundi malayo o matrapik, napipilitang mag-book ng TNVS ang mga pasahero kahit doble o triple ang pasahe makauwi lang.

Pero ang problema, sa dami ng komyuter na gumagamit nito, pahirapan din sa pagbu-book kaya ang ending, magta-taxi na lang at kapag minalas-malas pa dahil sa isnabero ang mga taxi driver, pati habal-habal ay pinapatulan na ng mga pasahero.

Dahil dito, biglang-lobo ang bilang ng mga reklamo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa mga abusado at masusungit na tsuper.

Pero ang tanong ng madlang pipol, anyare, bakit sa kabila ng mga reklamo at babala, tila walang nadadala?

May nasampulan na ba?

Kahit anong panahon — trapik man o hindi, hindi nawawala ‘yung mga drayber na namimili ng pasahero at nangongontrata.

Panawagan natin sa mga ahensiya na responsable rito, ‘wag sanang puro tanggap lang ng reklamo, balitaan ang publiko kung may progreso.

‘Wag nating hintayin na tuluyang mabuwisit ang taumbayan sa mga pasaway na taxi driver at dumating sa punto na hindi na nila tangkilikin ang mga ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page