Pinoy, para hindi mangulelat.. “English Only” sa public schools
- V. Reyes
- Dec 19, 2019
- 2 min read

Ipatutupad ang “English only” na paraan ng pagtuturo sa lahat ng mga pampublikong eskuwelahan sa buong Cebu.
Tugon ito ni Cebu Governor Gwen Garcia sa mababang ratings ng Pilipinas sa Reading Comprehension, Mathematics at Science.
Ani Garcia, nais nitong maibalik ang panahon na Ingles lang at hindi Tagalog o lokal na diyalekto ang ginagamit sa mga paaralan.
Nahihiya umano ang opisyal sa lumabas na resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan ay nasa mababang ranggo ang bansa.
Isa pa sa nais na maging polisiya sa lalawigan ay ang pahintulutan ang mga estudyante na tumutok na lang sa academics at hindi sa pagbiyahe at regional sports.
Ayon pa sa gobernadora, pupuwede namang matuto ng lokal na diyalekto sa kanilang bahay ang mga estudyante pero Ingles ang magiging pangunahing salita sa mga eskuwelahan.
Samantala, ipinasisilip sa Kamara ang performance ng sektor ng edukasyon sa bansa sa harap ng mababang ranking ng Pilipinas sa 2018 PISA.
Sa inihaing House Resolution 626, ipinakikilos ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga ang House Committee on Basic Education and Culture at Committee on Higher and Technical Education para alamin ang tunay na antas ng edukasyon sa bansa.
Nakasaad sa resolusyon na batay sa 2016 UN report, ang Pilipinas ang may pinakamataas na literacy rate o mga marunong magbasa at magsulat na nasa 97.95% at naungusan ng bansa ang Brunei, Indonesia at Singapore.
Gayunman, sa kabila nito, nakukuwestiyon pa rin ang kakayahan ng mga Pilipino dahil sa napakababang kaalaman at kakayahan pagdating sa Reading, Science at Mathematics.
Batay din sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 25.6% lamang sa elementary schools at 33.2% sa secondary ang may access sa internet.
Aabot naman sa 88.7% na elementary schools at 93.1% na high schools ang walang maayos na suplay ng kuryente na maaaring nakaaapekto sa kanilang pagkatuto.
Nababahala rin si Barzaga sa mababang porsiyento ng mga nakakapasa sa licensure exam at mga nakakakuha ng Masters at PHD o Doctoral Degree.





Comments