Kahinaan sa Reading, Math at Science ng mga kabataan, ‘wag dedmahin, aksiyunan!

Pagdating sa de-kalidad na edukasyon, hindi tayo papayag na mapag-iwanan. Isa ito sa mga tinututukan ng inyong lingkod bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Hindi na bago sa atin ang resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) na isinagawa ng Organization for Economic Cooperation and Development, isang international organization. Ipinakikita ng naturang global assessment na pinakamababa ang Pilipinas pagdating sa Reading Comprehension sa 79 bansa na sinalihan ng halos 600,000 estudyante sa buong mundo.
Ito ang pinakaunang pagkakataon na nakilahok ang Pilipinas dito. Nakakuha ng markang 340 ang bansa sa Reading Comprehension habang pumangalawa naman tayo sa pinakamababa sa Matematika sa markang 357 at pumangalawa rin tayo sa pinakamababa sa Agham sa 353 marka.
Para sa kaalaman ng lahat, isinasagawa kada tatlong taon ang naturang pag-aaral upang suriin ang kakayahan ng mga mag-aaral, lalo na ang mga nasa edad 15, sa paksang Reading, Matematika at Agham.
Hindi nagkakalayo ang mababang resulta ng naturang pag-aaral sa mababang puntos na nakuha ng mga estudyante, lalo na ang mga nasa Grade 6, sa pinakahuling National Achievement Test o NAT na isinasagawa ng
Department of Education (DepEd).
Ayon sa resulta ng NAT noong 2018, ang national average mean percentage score (MPS) ng mga nasa Grade 6 ay bumaba sa tatlong magkakasunod na taon. Nakalulungkot ngunit, ito ang naitalang pinakamahinang performance sa kasaysayan ng tinatawag na standardized examination ng DepEd.
Dahil sa suliraning ito, naniniwala tayong kailangan ang agarang aksiyon para maitaas ang kalidad ng edukasyon sa buong bansa.
Kaya naman, lubos nating sinusuportahan ang DepEd sa adhikaing ito. Kung noon ay hangad lamang ng kagawaran na mabigyan ng ‘access’ sa edukasyon ang lahat, ngayon, layon nitong tutukang maigi ang de-kalidad na edukasyon na ibibigay sa kabataang mag-aaral.
Umaasa rin tayong matutulungan ng naturang programa ang problema sa kakulangan ng kagamitan sa pagtuturo at mahinang kapasidad ng ilang guro, isang bagay na magpapalakas sa kurikulum ng Basic Education.
May mga rekomendasyon ang nasabing global assessment. Mainam ito para magsilbing gabay sa lahat ng mga stakeholder sa sektor ng edukasyon sa bansa. Mas mauunawaan natin ang mga suliranin sa ating sistema ng edukasyon at kung paano natin iaangat ang kalidad nito.
Ilan dito ay pagtiyak na nakagagamit ang mga paaralan ng sapat na kagamitan at teknolohiyang makatutulong sa pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Ito ay magsisilbing paghahanda para sa mga mag-aaral upang maging handa rin sila pagdating ng panahon sa paghahanapbuhay.
Kasabay nito ang pag-asang maging mas mahusay ang mga guro lalo na at sumasalamin sa kanila ang kaalaman at kakayahan ng mga mag-aaral.
Mahalaga rin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd at ng Commission on Higher Education (CHED). Maliban sa pagdisenyo ng kurikulum, tungkulin din ng CHED na pamunuan ang training o pagsasanay ng mga guro upang maging handa sila sa programang K to 12.
Hangad nating umangat ang katayuan natin sa PISA kaya kailangang pagtuunan natin ng pansin ang tamang pagpapatupad ng programang K to 12. Ang pinakamahalagang usapin dito ay ang kakayahan at kahandaan ng mga mag-aaral upang magkaroon sila ng magandang kinabukasan.
Matatalakay natin ang lahat ng ito sa inaasahang Joint Congressional Oversight Committee na nakatakdang pamunuan ng inyong lingkod sa Enero ng susunod na taon. Asahan ang mga susunod pang updates tungkol sa talakayang ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments