Ugaling Pinoy, lutang na lutang ‘pag Pasko
- Bong Revilla
- Dec 18, 2019
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Sistema, kultura o nakagisnan, hindi ako sigurado pero ang masasabi ko lang ay hanggang ngayon, hindi pa rin nagbabago ang karamihan sa mga Pinoy na kung kailan malapit na o ‘oras de-peligro’ ay doon lang magkukumahog.
Pagpasok pa lamang ng ‘ber months’, parang hilung-talilong na ang marami at hindi malaman ang gagawin tuwing makaririnig ng mga Christmas songs.
Pero wala namang ginagawang preparasyon kundi ang magbuntong-hininga at bukambibig lang ang katagang “Pasko na naman, ang bilis ng panahon,” tapos ini-stress nila ang kanilang sarili at parang napakalaking problema ang pagdating ng Pasko, lalo na ‘yung mga nanay na may mga anak na kailangang mag-participate sa Christmas party sa eskuwela.
May mga taliwas naman tayong kababayan na halos araw-araw ay namimili o tuwing may pagkakataong mamili ng kahit paisa-isang bagay na kakailanganin ngayong Pasko.
Lahat ng makita na puwedeng ipanregalo, binibili, lahat ng puwedeng gamiting pandagdag sa Noche Buena, binibili, hangga’t kaya ng budget, bili lang nang bili at ayaw tumigil.
Meron naman tayong kababayan na tila pinakyaw na ang mga Christmas decorations sa pamilihan kung saan kapag pinuntahan mo ang kanilang bahay ay makikita mong puno ng naglalakihang Christmas tree, nagkalat si Santa Claus at punumpuno ng Christmas lights.
May iba naman, dala-dala ang listahan ng lahat ng kaanak na bibigyan ng regalo ngayong Pasko at pinaplano na niya kung paano mabibigyan ng regalo kahit hindi masyadong magarbo.
Abala naman sa pagpapaganda ang ilan nating kababayan dahil pinaglalaanan nila ang pagpunta sa mga beauty parlor at wala silang pakialam kahit ilang libo ang kanilang magastos, magkaroon lang ng ‘new look’ ngayong Pasko.
Kakaiba naman ang gusto ng ilan, dahil bumibiyahe pa sila nang malayo basta mabili lamang ang magagandang parol sa Pampanga, dinarayo rin ang Bulacan para makabili ng paputok at ang Quiapo na sinasadya para makabili ng hamon.
Samantala, hinagpis ang maririnig natin sa ilang kababayan na medyo salat sa panggastos na bukod sa puro negatibo ang pananaw, tila malaking pagsubok para sa kanila ang pagdating ng Pasko.
Iba’t iba ang pinagkakaabalahan ng lahat, pero pagsapit ng ganitong panahon, ‘yung isang araw o ilang oras na lang ay Noche Buena na, saka magkukumahog ang lahat.
Napakataas ng porsiyento sa ating mga kababayan na kahit namili na ay gusto pa ring makisiksik sa Divisoria o Baclaran na hindi natin gets kung bakit parang hindi kumpleto ang Pasko kung hindi nakipagbalyahan.
Kaya ang resulta, nagkakahetut-hetot ang traffic, lalong tumitindi ang pagsisikip nito dahil sa sistemang last two minutes, gusto palaging photo-finish.
Hindi pa rin talaga nagbabago ang mga Pinoy, mahilig pa rin sa last minute shopping.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments