Pagulayan, swak sa World 9-Ball quarterfinals

Hindi pumayag si Alex “The Lion” Pagulayan na walang kinatawan ang lahing kayumanggi sa homestretch nang makasibad ang tubong Isabela na manunumbok sa quarterfinals at punan ang hindi inaasahang maagang pag-eempake ng mga Pinoy na sina Carlo Biado, Johann Chua at Jeffrey Ignacio sa 2019 World 9-Ball Men’s Championships sa Doha, Qatar.
Pinangunahan naman ni Rubilen “Bingkay” Amit ang atake ng mga Pinay sa World 9-Ball Women’s Championship sa Hainan, China matapos humaribas sa final 64 ang double Southeast Asian Games gold medalist mula sa Cebu bitbit ang dalawang magkasunod na panalo sa preliminaries ng prestihiyosong kompetisyon.
Sa panahong isa-isang nalaglag sa karera ang mga paboritong cue artists tulad World Pool Billiards Association no.1 at 2018 champion Joshua Filler ng Germany, WPA no. 2 Shane Van Boening ng USA at 2017 champion na si Biado, kumamada ng mga panalo si Pagulayan kontra kina Polish Karol Skowerski (11-3; final 64), Taiwanese Chang Yu Lung (11-7; final 32) at Billy Thorpe (11-9; final 16).
Ang Intsik na si Liu Haitao ang susunod na haharapin ng dating world champion na si Pagulayan na kailan lang ay iniluklok sa Billiards Congress of America (BCA) Hall of Fame at ngayong taong ito ay may naipon nang anim na korona sa mga kompetisyon nilahukan na niya.
Sa kabilang dako, iwinasiwas ni Amit, pangatlo sa world rankings, si Swedish pride Monika Margeta (7-1) at Indonesian gem Ewa Bak (7-1) sa mga panghimagas na laban para makaabante na siya sa knockout round ng paligsahang umakit ng mga pinakamalulupit na cue artists na kababaihan mula sa buong mundo. Ang mga kababayan naman ni Amit na sina Chezka Centeno, Iris Ranola at Flordeliza Andal ay kumakayod pa sa one-loss bracket.





Comments