top of page
Pokwang.jpg

Tamang paghawak ng pera, dapat ituro na rin sa iskul

Kuya Win Gatchalian
Dec 17, 2019
2 min read

Labis na malaki at makabuluhan ang ginagampanang papel ng tamang pananalapi sa bawat indibidwal. Kailangan ito upang matustusan natin ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, kasuotan, gamot at maging ang mga gastusin sa pag-aaral ng mga anak.

Kaya naman, kailangan nating magkaroon ng trabaho o maghanap pa ng sideline upang kumita at mapunan ang mga kailangang bilhin at gastusin.

Wala pa mang mga trabaho ang karamihan sa kabataan, pinaniniwalaan nating maaga pa lamang ay nararapat na sila ay mabigyan na ng edukasyon sa tamang pangangasiwa ng pera bilang paghahanda sa hinaharap, lalo na kapag sila na mismo ang humahawak ng sarili nilang salapi.

Ayon sa Global Financial Literacy Survey na isinagawa ng kumpanyang Standard & Poor’s, 25 porsiyento lamang ng mga Pinoy ang maituturing na financially literate.

Ilang taon din ang ginugugol ng mga bata para sa pag-aaral ngunit, nagtatapos silang kapos ang kaalaman sa tamang paggamit ng pera o pananalapi.

Kapag nagtatrabaho na sila, baka gawin nilang biruan ang petsa de-peligro kapag naghihintay na sila ng suweldo tulad ng ginagawa ng ilan ngayon. Ngunit, hindi biro ang kakulangan nila ng kaalaman pagdating sa paghahanda sa kanilang kinabukasan.

Kaya isinusulong natin ang panukala para maituro sa lahat ng antas ng paaralan ang wastong paggamit ng salapi o ang subject na Economics and Personal Finance o EPF.

Naniniwala tayong makatutulong ito upang maiangat ang antas ng financial literacy o sapat na kaalaman sa tamang paggamit ng salapi.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1192 o Economics and Financial Literacy Curriculum and Training Act of 2019 na inihain ng inyong lingkod, kakailanganin ng mga mag-aaral mula sa elementarya hanggang sa kolehiyo na kumuha ng kursong EPF bago makapagtapos.

Ayon sa panukalang-batas, isa sa mga pagaaralan sa elementarya ay ang pag-iipon ng pera, paghahanda ng budget at tamang pagpapasya sa mga gastusin.

Habang sa high school at kolehiyo naman tatalakayin ang mga mas malawak na usapin tulad ng credit, investments, mortgages at ang tinatawag nating retirement planning.

Umaasa tayong kapag naisabatas na ang naturang panukala, matuturuan natin ang maraming kabataan na maging mas responsable at handa lalo na at darating ang panahon na aako sila ng marami pang responsibilidad sa buhay.

Bukod pa rito ay palalakasin ng nasabing panukalang-batas ang mga kasalukuyang programa ng ilang ahensiya ng gobyerno tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Finance (DOF) at Department of Education (DepEd) na tumututok sa mga aralin tungkol sa tamang paggamit ng salapi upang maturuan nang husto ang kabataang Pinoy sa paghawak nito.

Upang masigurong maituturo nang maayos ang nasabing kurso sa ating mga mag-aaral, kailangan ng tamang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng DepEd at BSP upang maiangat na rin ang kakayahan ng mga guro.

Dapat magkaroon din ng pagsasanay ang mga kawani ng gobyerno at pribadong sektor dahil madalas silang bahagi ng mga programa sa financial literacy.

Lubos nating inaasahan na mahihikayat ng panukalang-batas ang mamamayan, lalo na ang kabataan na mag-ipon at maging responsable sa mga usaping pinansiyal.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page