Nasa very critical stage of deterioration.. Problema sa banaue rice terraces, tutukan

Hindi sapat ang aksiyon ng mga sangay ng pamahalaan na dapat tumutok sa problema ng Banaue Rice Terraces sa Ifugao.
Ito ang sinabi ni Senator Imee Marcos matapos lumabas ang ulat ng United Nations Food and Agricultural Organization o FAO na umabot sa “very critical stage of deterioration” ang Banaue Rice Terraces na dating isa sa ipinagmamalaking yaman ng Pilipinas.
“Nananawagan ako sa lokal na pamahalaan ng Ifugao, sa Department of Environment and Natural Resources, sa Department of Tourism at maging sa Department of Agriculture, magtulungan tayo rito. Pangalan ng bansa ang nakataya rito,” giit ni Marcos.
Nagpahayag din ng pangamba si Marcos, chair ng Senate Committee on Cultural Communities, na baka tuluyang mabura sa mapa ng Pilipinas ang Banaue Rice Terraces na isa sa napapabilang sa UNESCO World Heritage Site.
Lumabas sa ulat ng FAO na ilan sa mga dahilang nakita kung bakit nasisira ang Banaue Rice Terraces ay ang environmental degradation o pagkasira ng kalikasan, unregulated development at neglect o napababayaan dahil sa urbanisasyon.
Batay pa sa datos, mula sa 1,670 ektarya nito na mga lupang pang-agrikultura, 600 ektarya rito ay abandonado at ngayon ay nangangailangan ng rehabilitasyon.
Iminungkahi ni Marcos ang paglalatag ng isang komprehensibong plano at paghingi ng tulong sa mga eksperto para matalakay at masolusyunan ang problema rito.





Comments