Klase ng ubo ni baby na hindi na dapat balewalain
- Shane M. Ludovice, M.D
- Dec 17, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
May ubo at sipon ang 5 months kong baby at breastfeeding siya kaya sa palagay ko ay nahawa siya sa akin dahil tatlong araw na rin akong inuubo at sinisipon. Okay lang ba na painumin ko siya ng gamot? — Pauline
Sagot
Ang pagkakaroon ng ubo at sipon ng mga sanggol ay pangkaraniwan lamang. Hindi ko rin inirerekomenda ang pagpapainom ng gamot sa kanya lalo na kung walang indikasyon upang gawin ito. Karamihan ng mga ubo at sipon ay sanhi ng virus, nakahahawa, ngunit kusa rin namang nawawala. Gayunman, marami ring ibang dahilan ang ubo sa mga sanggol at mas makabubuti kung ipatingin mo sa doktor ang iyong baby upang ma-examine niya ito.

Ano ang mga dapat gawin para masigurong ligtas ang sanggol?
Kung may kakaibang napapansin sa bata,siguraduhing ipatse-check-up ito sa kanyang pedia. Ang ubo na tatagal nang dalawang linggo o higit pa ay posibleng TB.
Siguraduhing regular siyang nababakunahan. Ang mga bakunang ito ay nakatutulong upang makaiwas ang bata sa iba’t ibang uri ng sakit.
Siguraduhing regular at wasto ang kanyang nutrisyon.
Linisin ang paligid, partikular ang kuwarto o lugar kung saan madalas magtungo ang bata. Ang alikabok, polusyon, usok at iba pang mga bagay ay nakaiirita sa baga ng mga sanggol at maaaring maging sanhi ng ubo.
Muli, iwasan ang pagpapainom ng gamot kung ito ay pangkaraniwang ubo lamang. Huwag sanayin ang sanggol sa iba’t ibang gamot, maliban na lamang kung ito ay inireseta at talagang rekomendado ng doktor.
Kahit ang mga doktor ay naniniwala sa payo ng matatanda tungkol sa ubo at sipon: Uminom ng maraming tubig at pagpahingahin ang sanggol.
Ang mga sumusunod ay mga bagay na dapat obserbahan sa sanggol at ang mga ito ay sapat nang dahilan para magpatingin sa doktor:
Ubo na mahigit isang linggo.
Ubo na may kasamang lagnat (38 degrees pataas).
May “halak” o “huni” na parang hika.
Nahihirapan nang huminga o hinihingal ang baby. • Nagkukulay-asul ang baby kapag inuubo.




Comments