Paraan para malaman kung cancerous ang nunal
- Shane M. Ludovice, M.D
- Dec 16, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Napansin ko na nagbabago ang kulay ng aking mga nunal at tila lumalaki rin ang mga ito. Worried ako na baka may kaugnayan na ito sa cancer. Paano ba malalaman kung cancerous ang nunal? — Maine
Sagot Ang nunal ay ang itim o kulay tsokolate na marka na tumutubo sa balat sa kahit anong bahagi ng katawan. Ang pagkakaroon ng nunal ay maaaring mula pa pagkapanganak o umusbong habang tumatanda.

Habang tumatagal, ang nunal ay maaaring magbago. Maaari itong lumaki, umumbok o magbago ang kulay. Kadalasan ay may buhok na tumutubo rito at maaari ring mawala sa paglipas ng panahon.
Ang nunal ay nabubuo kapag ang mga cells ng balat o melanocyte ay nagkumpul-kumpol sa halip na kumalat. Ang melanin na matatagpuan sa melanocytes ang nagbibigay-kulay sa balat, kaya sa pagkukumpol na ito, lumalabas ang nunal.
Tulad ng ibang bahagi ng balat, ang nunal ay maaaring magkaroon ng hair follicle kaya tinutubuan ito ng buhok. Ito ay normal at walang dapat ikabahala.
Paano malalaman kung cancerous ang nunal?
Bagama’t, ang karamihan sa mga nunal ay hindi maaaring makapagdulot ng kanser, may posibilidad pa rin na humantong sa kanser ang ilang nunal. Ang nunal na nagiging kanser ay malaki at naiiba ang hitsura kesa sa normal na nunal at kadalasang umuusbong lamang paglampas ng edad 30. Kung ang nunal ay biglaang nagbago ang hugis, kulay at sukat, mas makabubuting ipatingin ito sa doktor upang masuri kung ito ay kanser. Maaari ring makitaan ng pagdurugo, pangangati at pananakit ang nunal na nakakakanser. Tinatawag din na melanoma ang nunal na kanser.
Ang nunal na pinagsususpetsahang may kanser ay kadalasang inaalis sa pamamagitan ng operasyon o surgery o sinusunog (cauterization), ngunit, bago ito gawin, kailangan munang makatiyak kung ang nunal ay kanser. Maaari itong suriin sa pamamagitan ng biopsy. Mangyari lamang na magpakonsulta sa dermatologist tungkol dito.
Ligtas bang ipaalis ang nunal? Bukod sa impeksiyon, allergy sa anesthesia o pinsala sa nerve cells, wala nang iba pang nakababahalang kUmplikasyon ang maaaring makuha sa pagpapatanggal ng nunal. Kinakailangan lamang lumapit sa mapagkakatiwalaang doktor upang makatiyak na ligtas ang isasagawang pagpapatanggal sa nunal. Ang dapat mo lang ikabahala ay ang maaaring pagkakaroon ng peklat sa sugat na makukuha mula sa isasagawang operasyon.
Doc kapag pinupush ko ang aking nunal masakit po.... Cancerous kaya ito?