top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Metro Manila, pinakamalala sa buong mundo dahil sa traffic

Bong Revilla
Dec 16, 2019
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Kung Waze, Inc. ang tatanungin, wala na umanong tatalo pa sa Metro Manila kung matinding trapik ang pag-uusapan dahil ayon sa kanilang datos, ito ang worst place sa buong mundo para sa mga nagmamaneho ng sasakyan.

Base sa report ng Waze, Inc., mas lalong naging matagal ang oras ng biyahe sa tinaguriang ‘most congested metropolitan area’ sa buong Asia at inaasahang titindi pa ito ngayong Kapaskuhan.

Pinaninindigan ng Waze, Inc. na ang Metro Manila na ang pinakamatindi ang sitwasyon sa buong mundo dahil tinalo na natin ang Bogota (Colombia), Jakarta (Indonesia), Tel-Aviv (Israel) at Sao Paolo (Brazil) na may matitindi ring problema sa trapiko.

Kaugnay nito, marami ang nagsulputang sakit dulot ng matinding pagkakaabala sa kalye kung saan dahil sa tagal ng pagkakaupo ng mga drayber, dumami na sa kasalukuyan ang dumaranas ng lower backpain dahil hindi normal ang posisyon ng likod o lordotic curve na mas madaling sumakit kapag nakakurba ang pag-upo.

Kadalasan, ang drayber ay naglalagay ng ekstrang unan sa lower back upang maiwasan ang sakit na nararamdaman at hindi sila makagalaw dahil sa nakabitin sila sa gitna ng matinding sitwasyon sa trapiko.

Tumaas din ang bilang ng may mga kidney problem dahil kahit ihing-ihi na ang driver ay hindi sila makababa ng sasakyan para umihi lalo pa kapag ang drayber ay may pasahero.

Marami rin ang dumaranas ng stress, hindi lang drayber kundi maging ang mga komyuter na wala namang magawa kundi tiisin ang sitwasyon at ayon sa pag-aaral, maaari itong humantong sa sakit sa puso at high blood pressure.

Gayundin, dahil sa problema sa trapiko ay wala nang oras ang maraming empleyado na magluto ng pambaon kung saan ang resulta ay sa fastfood o drive thru na lang kumakain na isa sa pangunahing dahilan kung bakit maraming Pinoy ang obese.

Alam ba ninyo na mataas ang porsiyento ng mga nagtatrabaho na kumokonsumo ng tatlo hanggang apat na oras sa pagpasok sa umaga at ganito rin sa pag-uwi sa gabi kaya bale anim hanggang walong oras sila sa biyahe, araw-araw?

Kaya ang resulta, hindi sapat ang kanilang tulog dahil kailangan pa nilang gumising nang maaga at kapag natapat sila sa boss na walang konsiderasyon, tiyak na hatinggabi na sila makakauwi at kapag nakatulog sila sa biyahe, kandidato naman silang madukutan.

At siyempre, kapag mas matagal ka sa kalye, mas mataas ang tsansa na masinghot mo ang lahat ng polusyon na sanhi ng asthma o pagkakaroon ng respiratory disease.

Sa kabila nito, patuloy tayong nakikipagtulungan sa lahat ng sektor tungo sa pagbuo ng programa para maibsan ang trapik. Kasama riyan ang panukala natin para sa mas maayos na railway at public transport system, mas angkop na mga batas-trapiko at ang pag-integrate ng road safety and responsibility sa curriculum ng mga mag-aaral.

Ngayong Holiday Season, dagdagan ang baong pasensiya. Huwag padalus-dalos at laban lang sa road-rage. Hindi naman luluwag ang traffic sa pag-aalburoto, maaasar ka lang.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page