McDaniels, lakas ng signal sa KaTropa Game 1 semis
- ATD
- Dec 16, 2019
- 2 min read

Humugot ng lakas ang TNT KaTropa sa kanilang import na si KJ McDaniels upang masilo ang panalo sa Game 1 ng PBA Governors’ Cup semifinals matapos pagpagin ang Meralco Bolts, 103-94 kagabi sa Araneta Coliseum.
Nagtala si McDaniels ng 38 points at 14 rebounds para akbayan ang KaTropa sa kanilang best-of-five series. Tangan ng TNT ang 1-0 kaya lumakas ang tsansa nilang sumampa sa finals.
Bahagyang nakalamang ang Bolts sa first canto, 25-22 pero hindi nika nakayanan ang tikas ng KaTropa kaya nawala sa kanila ang bentahe.
Humarurot ang TNT ng 25-16 sa second period para hawakan ang six-point lead, 47-41 sa halftime. Lalong ginanahan ang KaTropa sa third period kaya lumobo ang kanilang lamang sa 16 puntos, 77-61 papasok ng fourth.
Hindi nagpabaya ang TNT sa payoff period kaya nanatili sa kanila ang malaking bentahe.
Samantala, pakay ng Barangay Ginebra Gin Kings na bumangon agad sa pagkakadapa upang iwasan ang 0-2 karta sa kanilang race-to-3 series.
Natambakan ang crowd favorite Gin Kings sa Game 1 kontra NorthPort Batang Pier, 90-124 kaya wala silang ibang iniisip kundi ang makabawi upang makatabla sa serye.
Sasandalan ng Ginebra sina Stanley Pringle, LA Tenorio at Scottie Thompson kasama si import Justine Brownlee upang makuha ang inaasam na panalo sa Game 2.
Kahit masama ang opensa ay mananatiling kakapit sila kay Brownlee. Nakatakda silang magharap ngayong alas-7 ng gabi sa Big Dome.
Tiyak na isa sa pinag-aralan ng Gin Kings ang galaw ng reinforcement ng Batang Pier na si Michael Qualls.
Si Qualls ang malaking problema ng Ginebra sa Game 1 matapos mangalabaw ng 38 points at 15 rebounds. “Maybe we just caught Ginebra on an off night, maybe we benefited more from the long break. But you could see we’re the hungrier team and we executed our game plan well, especially on defense,” saad ni NorthPort coach Pido Jarencio.
Laro ngayon: (Araneta Coliseum) 7:00 p.m. Bgy. Ginebra vs NorthPort





Comments