Pasok na sa championship ang Asia Rugby U-19 Men’s

Nakapasok sa pangkampeonatong yugto ang Pilipinas sa Asia Rugby Under 19 Men’s Division 1 Tournament sa Yongchuan Sports Center ng Chongqing, China upang maselyuhan ang pinakamataas nitong performance sa kasaysayan ng torneo simula noong 2009.
Ito ay magandang pagsundot sa gold medal showing ng bansa sa men’s bracket at sa pilak na medalyang nasikwat ng mga kababaihan sa katatapos na 30th Southeast Asian Games.
Natakasan ng mga bata nina Stu Woodhouse, David Johnston, Grant Rice, Michael Ryan at Campese Ma’apu, ang Thailand sa semifinals sa pamamagitan ng kick-out.
Mula sa 10-17 na pagkadehado, humaribas ang Pilipinas sa pamamagitan ni Owen Wakeham para itabla ang laban, 17-17 hanggang sa magsara ang regulation period. Sa kick-out, umiskor ang mga Jr. Volcanoes ng apat na puntos kontra sa isang puntos ng mga karibal na Thais.
Ang pag-angat na nasaksihan sa Division 1 ng mga disipulo ng rugby sa bansa ay nagsilbing malaking paghihiganti na rin para sa mga Junior Volcanoes sa bakbakang U-19 sa Asya dahil noong 2018, tumiklop ang mga ito sa inspiradong punong-abalang Thailand, 8-16.
Nakuntento na lamang noong isang taon ang Pilipinas sa pangatlong puwesto matapos daigin ang China sa duwelo para sa bronze, 33-19.
Naging malaking tulong noon para sa podium finish ang tikas nina Wakeham, Craig Wallace, Dean Beaton, James Ryan at Reymarc Bustillo.
Haharapin ng mga binatilyong pambato ng Philippine Rugby Football Union o PRFU ang Sri Lanka na nagwagi kontra sa China sa kabilang hati ng semifinals sa iskor na 39-14.
China at Sri Lanka ang maghaharap para sa pangatlong puwesto.





Comments