Mga disiplinang ‘di nakaginto: “Int’l exposure is the key” – Mon

Ang 149 na ginto na naipanalo ng Pilipinas sa katatapos na 30th Southeast Asian Games ay siyang pinakamarami sa kasaysayan ng paglahok ng bansa sa palaro.
Marami rito ay galing sa magandang simula ng mga disiplina ng Arnis at Dance Sports noong mga unang araw subalit ang masaklap ay hindi ito nilalaro sa Olympics.
May karapatan ang Pilipinas bilang punong abala na piliin ang mga gaganapin na disiplina sa SEA Games. Karaniwan, pinipili ang mga disiplina kung saan sila malakas o mga laro na likas sa bansa gaya ng Arnis.
“Tayo pa rin ang mangunguna kung mga Olympic sports lang ang lalaruin,” tiwalang wika ni Commissioner Ramon S. Fernandez ng Philippine Sports Commission. Inilabas ni Fernandez ang ulat na inihanda ng PSC at Philippine Sports Institute kung saan nakasaad na 81 ng mga gintong Pinoy ay buhat sa mga Olympic sports na mas mataas pa rin kumpara sa 74 ng Vietnam at 67 ng Thailand.
Ang mga disiplinang pinakamalaki ang ambag ay ang Athletics (11), Taekwondo (8), Boxing (7), Skateboarding (6) at Basketball (4). Apat din ang nakalistang ginto ng Triathlon subalit isa rito ay galing sa Duathlon na hindi kasama sa Olympics.
“International exposure is the key,” dagdag ni Fernandez, na nagsilbi rin bilang Deputy Chef de Mission noong SEA Games. “This should be a guide for Chairman William Ramirez on what sports to choose.”
Maliban sa mga naunang nabanggit, kampeon o may pinakamaraming medalya na nakuha ang Pilipinas sa Baseball, Surfing, Rugby, Softball, Golf, Windsurfing, Modern Pentathlon at Sailing. Ang mga ito ay may dalawa o tatlong ginto o ang nag-iisang ginto sa ilang team sports.
Subalit, may mga disiplina na kailangang tuunan ng pansin lalo na ‘yung mga walang nakuhang ginto tulad ng Badminton, Table Tennis, Volleyball, Football at Handball at ang Ice Skating at Ice Hockey sa Winter Olympics.
Isa rin ang Swimming kung saan isa lang sa 38 na ginto ang napunta sa Pilipinas at salamat kay James Deiparine.





Comments