Hinagisan ng granada, pinagbabaril.. Pulis at 2 sibilyan patay sa NPA

Patay ang isang pulis, gayundin ang dalawang sibilyan habang hindi bababa sa 10 pa ang sugatan nang maghagis ng granada ang mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Borongan City, Eastern Samar, kahapon ng hapon.
Kasabay nito ang mahigpit na pagkondena ng 8th Infantry Division ng Philippine Army sa pag-atake sa Bgy. Libuton na ikinamatay ng tatlong indibidwal kabilang ang isang lola at isang Patrolman Rama.
Tatlo naman sa mga nasugatan ay pawang mga menor-de-edad.
Bandang alas-3:00 ng hapon nang mag-detonate umano ng improvised explosive device ang mga rebelde habang dumaraan sa kalsada ng Bgy. Libuton ang patrol car na sinasakyan ng mga biktima.
Sinundan ito ng pagpapaulan ng bala ng baril ng mga kasapi ng NPA.
Maliban sa pulis na namatay, apat na pulis din ang nasugatan sa insidente habang ang ilan sa mga sibilyang nadamay at nasugatan ay lulan ng isa pang sasakyan na dumaan sa lugar.
Naniniwala ang militar na ang nasabing pag-atake ay bahagi umano ng pagdiriwang ng Communist Party of the Philippines (CPP) ng kanilang founding anniversary sa Disyembre 26.
“Nagpapatunay lamang ito na hindi sila kumikilala ng mga sibilyan. Wala silang paggalang sa karapatang-pantao. Higit sa lahat wala silang pahalaga sa buhay kahit na sa mga inosenteng mga bata. Wala silang konsensiya,” ayon sa kalatas ng militar.
“Sa halip na magsaya ngayong Pasko ay luksa at pasakit ang dulot ng mga Teroristang NPA sa mga pamilya ng mga biktima,” dagdag pa nito.





Comments