top of page
Korina Sanchez-Roxas - IG.jpg

9 na hiling kasabay ng 9 na simbang gabi

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Dec 15, 2019
  • 3 min read

Magsisimula na ang Misa de Gallo na tradisyona ng karamihan sa mga Pinoy kung saan siyam na Simbang Gabi ng paghihintay at pagbabantay sa pagsilang ng Panginoon ang inaasahang lalahukan ng mga parukyano.

Muli na namang magsisikip ang mga simbahan sa mga taong nais kumpletuhin ang panatang magsimba nang siyam na magkakasunod na gabi o madaling araw — magpupuyat ang marami at kami namang mga pari ay magsisikap na bumangon bago pa tumilaok ang manok upang ihatid ang mabuting balita na magbibigay-pag-asa sa lahat.

Kaya naman, magandang ngayon pa lamang ay isipin na natin ang mahahalagang mithiin na dapat nating ipagdasal. Narito ang mga nais nating ipagdasal sa mga susunod na siyam na araw:

Unang-una ay ang tubig — mula sa hindi matapus-tapos na problema sa mga dambuhalang kumpanya hanggang sa mga karaniwang tao na bagama’t pangunahing pangangailangan ito, tila hindi alintana na minsan ay naaabuso ang paggamit nito.

Pangalawa ay ang kapayapaan — wasak pa rin ang Marawi City, wala pa ring linaw ang peace talks kung saan palaging nakaamba ang mga baril at sandatang pandigma ng magkabilang panig. Sana, tuluyan na nating makamit ang kapayapaan.

Pangatlo ay ang agrikultura — naghihirap ang mga magsasaka at sa halip na tulungan sila, pinabayaan lamang sila. Gustung-gusto ng gobyerno na mag-angkat ng bigas gayung alam nilang malaki ang epekto nito sa kabuhayan ng mga kababayan nating magsasaka. Nawa’y bigyan pa lalo ng Panginoon ang mga magsasaka ng malakas na katawan at hindi sila mawalan ng pag-asa na magiging maayos din ang lahat.

Pang-apat ay ang katotohanan — napakahirap ipaglaban ng katotohanan sa panahon ngayon. Limpak-limpak na salapi ang kakampi ng mga taong nagpapakalat ng kasinungalingan. Ipinananalangin natin na sana ay lumaganap ang katotohanan kontra sa kasinungalingan.

Panlima, ipinagdasal din natin ang kalikasan — nanganganib na ang kalikasan kung saan nasa maselang kalagayan ito. Anumang hindi magandang mangyari sa kalikasan, siguradong maaapektuhan din nito ang sangkatauhan. Ituro ninyo sa amin, Panginoon ang pangangalaga na kailangan nito. Nawa’y magkaroon ng pagmamahal ang bawat isa sa kalikasan.

Pang-anim ay ang dangal ng tao — nawa’y huwag kalimutan ng bawat isa na mahalaga ang respeto sa kapwa. Kailanman hindi ito masusukat sa dami ng kayamanan ng tao. Walang ibang mas makapangyarihan at hihigit sa lahat kundi ang Diyos lamang.

Pangpito ay ang kasarinlan. Habang tumatagal, napapansin natin ang pagdagsa ng mga Chinese sa bansa. Ano ang kanilang tunay na pakay? Tulungan Ninyo kaming magkaisa upang protektahan at ipaglaban ang aming kasarinlan.

Pangwalo ay ang pagmamahal sa kapwa — nakalulungkot na sa panahon ngayon, tila kasama na sa pangunahing salita ng tao ang pagmumura at pagbabanta. Hindi ito ang itinuro Ninyo na dapat gawin ng bawat isa sa kanyang kapwa. Sana ay pawiin ng Panginoon ang poot sa puso ng bawat isa nang sa gayun ay ibigin nito ang kanyang kapwa.

At ang pangsiyam ay pananalig sa totoong Diyos. Hindi alintana ang mga pambabastos na ibinabato hindi lang sa mga taong-Simbahan kundi maging sa tahanan mismo ng Panginoon. Dumarami na ang mga taong tila natatakot at nanghihina ang pananalig. Panginoon, tulungan ninyong lumalim at lumakas ang aming pananampalataya.

Ngayong Adbiyento, ipinaaalala Ninyo na kami ay magkakapatid at lahat kami ay mga anak ng iisang Ama. Panginoon, sana ay hindi lang basta magpuyat ang tao, nawa’y maunawaan at maisabuhay din nito ang tunay na dahilan kung bakit may ganitong okasyon. Ipagkaloob Ninyo sa amin ang malalim, banal at mapagpalayang Simbang Gabi, ang tunay at banal na Misa de Gallo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page