6 na taong kulong sa maglalabas ng pribadong usapan nang walang permiso
- Dr. Persida V. Rueda-Acosta
- Dec 15, 2019
- 2 min read
Nakasaad sa ating Saligang-Batas, partikular sa Artikulo III, Seksiyon 3, ang mga sumusunod:
“Seksiyon 3. (1) Hindi dapat labagin ang pagiging lihim ng komunikasyon at korespondensiya maliban sa legal na utos ng hukuman o kapag hinihingi ang naiibang kaligtasan o kaayusan ng bayan ayon sa itinatakda ng batas.
(2) Hindi dapat tanggapin para sa anumang layunin sa alinmang hakbangin sa paglilitis ang anumang ebidensiya na nakuha nang labag dito o sa sinusundang seksiyon.”
Makikita natin mula sa nabanggit na probisyon ng Konstitusyon na pinahahalagahan ng estado ang karapatan ng bawat mamamayan na ang kanilang komunikasyon at korespondensiya ay mapanatiling pribado o lihim. Ang anumang gawain na magdudulot ng paglabag sa nasabing karapatan ay hindi pinahihintulutan.
Malinaw na nakasaad na ang karapatan sa pribadong komunikasyon at korespondensiya ay hindi pinahihintulutang malabag maliban na lamang kung ipinag-uutos ng hukuman at mayroon itong legal na basehan at kinakailangan ito para panatilihin ang kaligtasan at kaayusan ng estado.
Nasusulat din na anumang ebidensiya na nakuha mula sa paglabag ng nabanggit na karapatan ay hindi maaaring gamitin para sa anumang layunin o hakbangin.
Kaugnay nito, ang sinumang lumabag sa karapatang ito ay maaaring makasuhan sa hukuman ng paglabag sa Anti-Wire-Tapping Law (Republic Act [R.A.] No. 4200) kung saan nakasaad na:
“Section 1. It shall be unlawful for any person, not being authorized by all the parties to any private communication or spoken word, to tap any wire or cable, or by using any other device or arrangement, to secretly overhear, intercept, or record such communication or spoken word by using a device commonly known as a dictaphone or dictagraph or detectaphone or walkie-talkie or tape recorder or however otherwise described.”
Sang-ayon dito sa nabanggit na probisyon, labag sa batas, ang pagharang ng pribadong sulat o komunikasyon maging ng lihim na pagrekord ng usapan nang walang pahintulot ang mga taong kasangkot dito.
Ayon sa Section 2 ng R.A. No. 4200, ang sinumang mapatunayang lumabag o tumulong para malabag ang probisyon ng nabanggit na batas ay maaaring maparusahan ng hindi bababa sa anim na buwan at hindi hihigit sa anim na taong pagkakabilanggo. Maliban sa pagkabilanggo kasama rin ang accessory penalty na perpetual absolute disqualification from public office kung ang napatunayang lumabag nito ay public official sa panahong ginawa ang nasabing paglabag. Kapag ang napatunayang lumabag ay banyaga, siya ay sasailalim sa deportation proceedings.





Comments