PHL Collegiate Champions League NCR qualifiers, abangan

Panahon na muli para malaman kung sino ang nag-iisang kampeon ng basketball sa Kolehiyo ng Pilipinas sa pagsimula ng 2019 Philippine Collegiate Champions League.
Ang unang hakbang ay ang National Capital Region Qualifiers ngayong Enero 23 at 24 sa Paco Arena kung saan apat na kampeon ang magsisimula ng kanilang lakbay patungong National Collegiate Championship sa Davao City sa Pebrero 22 at 23.
Magtatapat ang Saint Clare College of Caloocan ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU), Diliman College ng Universities and Colleges Basketball League (UCBL), La Consolacion College-Manila ng Inter-Scholastic Athletic Association (ISAA) at Centro Escolar University ng Men’s National Collegiate Athletic Association (MNCAA).
Ito na ang unang pagkakataon matapos ang ilang taon na may kinatawan ang lahat ng mga liga sa matagal na kasaysayan ng PCCL.
Dalawang paaralan ang tutuloy sa Luzon Qualifiers sa Naga City mula Pebrero 9-12.
Sasamahan sila ng isa galing Hilaga at Gitnang Luzon at tatlong kinatawan ng Timog Luzon at Bikol para malaman kung sino ang isang tutuloy sa Nationals.
Halos sabay ng palaro sa Naga ang UAAP/NCAA Challenge sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City sa Pebrero 8, 9 at 15.
Inaasahan na lalahok ang defending PCCL champion Ateneo de Manila University at University of Santo Tomas ng UAAP at Colegio de San Juan de Letran at San Beda University ng NCAA para sa dalawang upuan sa Nationals.
Ang huling regional qualifier ay gaganapin sa Davao City mula Peb. 17-20 para sa ika-apat na puwesto.
Tampok dito ang mga pambato ng Cebu Schools Athletic Foundation Inc. na kampeong Southwestern University-Phinma at University of the Visayas at tig-isang kinatawan ng Visayas at Mindanao.
Ito ang unang pagkakataon na ang Finals ay gaganapin sa labas ng Kalakhang Maynila.
Igagawad muli ang President’s Cup buhat sa Philippine Sports Commission at Manuel V. Pangilinan Trophy galing sa Samahang Basketbol ng Pilipinas sa kampeon.





Comments