top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Call center agents, patayan ang trabaho, tapatan ng tamang suweldo

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 14, 2019
2 min read

Pagkakaroon ng maayos na sahod, security of tenure, sapat na pahinga sa trabaho, medical benefits at karapatan na makapag-organisa ng unyon.

Ilan ito sa mga patuloy na isinusulong para sa mga manggagawa sa Business Process Outsourcing (BPO).

Sa pamamagitan nito ay mapapangalagaan at mabibigyang-proteksiyon ang mga call center agent at iba pang empleyado na nasa ganitong industriya.

Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan na hindi biro ang nasa BPO, ‘ika nga, baligtad ang mundo, partikular sa mga panggabi. Kailangan ding isakripisyo ang oras na para sa pamilya at itaya ang kaligtasan kapag bumibiyahe nang alanganing oras.

Dahil hindi karaniwan ang oras ng trabaho, may iba na sadyang nahihirapang mag-adjust na nauuwi sa pagkakasakit — insomnia, fatigue, stress, obesity at iba pa.

May iba naman na sa yosi na kumukuha ng ‘break’ na nagdudulot din ng iba’t ibang karamdaman — severe asthma, bronchitis, hypertension at iba pang komplikasyon.

Nawindang din tayo sa ulat at pag-aaral na nagiging prone na rin ang mga call center agent sa kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV). Sinasabing sa pakikipag-sex umano nila nakukuha ang ‘pahinga’ at nangyayari ito sa pagitan ng magkaparehong kasarian.

Samantala, sa isyu ng pasuweldo, may BPO companies lalo na sa labas ng Metro Manila ang hindi umano nagiging patas sa kanilang mga empleyado.

Sa kabila ito ng ulat na ang Pilipinas ang pangalawa sa pinakamalaking BPO industry at bilyun-bilyong dolyar ang kinikita. Kaya wala tayong nakikitang dahilan para hindi ibigay ang nararapat na sahod, benepisyo at proteksiyon para sa kanila.

Nauunawaan nating malaking tulong ang BPO industry dahil sa mga trabahong nabubuksan para sa mga Pinoy, pero hindi naman ito dahilan para may madehado.

Ang mga call center agent ay tulad din ng lahat ng empleyado sa anumang industriya na dapat pinangangalagaan at sakop ng malinaw na batas sa paggawa.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page