Prostitusyon sa POGO, tatalupan

Inihain sa Kamara ang resolusyon na layong ungkatin ang paglaganap ng prostitution rings na eksklusibo umano para sa mga manggagawang Chinese ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Tinukoy sa House Resolution 604 ang nadiskubreng prostitution rings na ang sinasabing mga kliyente ay Chinese workers ng POGO.
Umaabot sa 91 Chinese at apat na Pilipina ang nasagip ng National Bureau of Investigation noong Oktubre mula sa isang karaoke bar sa Makati City na nagsisilbi umanong sex den ng mga kliyenteng Chinese.
Ayon sa Makabayan bloc sa Kamara, nagpapanggap na karaoke bar o wellness center ang mga sindikato ng prostitution at karaniwang nag-o-operate sa mga hotel at condominium sa Metro Manila.
Idinaraan din umano sa social media ang mga transaksiyon para sa mga kliyente.
Aabot sa P15,000 ang sinisingil ng mga Chinese sex den para sa Filipino escort services habang P20,000 hanggang P30,000 para sa Chinese escorts.
Binigyang-diin ng mga mambabatas ang pangangailangan na masolusyunan ang lumolobong kaso ng prostitusyon at human trafficking kasabay sa paglago ng mga POGO sa bansa.





Comments