Mismong taga-PDEA, PNP, militar at media, protektor ng droga
- BULGAR

- Dec 13, 2019
- 2 min read
Matatapos na lang ang taon, hindi pa rin natatapos ang problema sa ilegal na droga, sa halip, tila hindi natitinag ang mga sangkot dito.
Tulad ng mga nakaraan, muling ibinulgar ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ilang mga kagawad ng media, artista, congressman at ilan pang pulitiko ang kasama sa high value target na sangkot sa ilegal na droga.
Ilang malalaking pangalan sa industriya ng media ang nagsisilbi umanong protektor ng mga high value target. Ang tinutukoy ng ahensiya ay pawang tri-media o mga nasa broadcast, print at online industry. May ilan din umanong opisyal ng mismong PDEA, Philippine National Police (PNP) at militar ang sangkot din sa operasyon ng illegal drugs.
At sa tatlong taong kampanya laban sa ilegal na droga, tinatayang nasa mahigit 200,000 na umano ang naaresto at marami-rami na ring drug den ang nasalakay.
Pero, hindi maitatangging hanggang ngayon ay talamak pa rin ang droga. Araw-araw ay may mga nahuhuling adik, tulak at ilang suppliers, ‘yung bultuhan kung magbagsak ng droga.
Sa totoo lang, minsan ay nakakasawa nang pag-usapan, pero kailangan, lalo na at pabata na nang pabata ang nasasangkot.
May mga menor-de-edad na walang kamalay-malay na ginagawang courier na ang masaklap, ang nag-uutos ay mismong mga magulang! Ilang estudyante na rin ang nahuling gumagamit at ang tulak, mismong titser.
Hindi na para sabihing palpak ang war on drugs ng gobyerno kundi patunay na napakalawak na ng problema at kailangan nang kumilos ng lahat.
Sa pamilya pa lang ay dapat nang magsimula ang laban sa droga at iba pang masasamang bisyo. Kung ang bawat pamilya ay siguradong nasa ligtas ang bawat miyembro at hindi nasasangkot sa ilegal, napakalaking tulong na para mailigtas ang buong bayan mula sa salot na droga.





Comments