top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Mas mabilis na proseso ng pag-aampon, isinusulong

  • Grace Poe
  • Dec 13, 2019
  • 3 min read

Kumusta mga besh! Disyembre na at dalawang linggo na lang, sasapit na ang Pasko na inaabangan ng lahat, partikular ng mga bata.

Isang magandang kaugalian ng mga Pinoy ang pasayahin ang mga bata tuwing Kapaskuhan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga pamasko.

Kapag nakikita natin sa kanilang musmos at inosenteng mukha ang kasiyahan tuwing nakatatanggap sila ng regalo, tumataba ang ating puso at lalo tayong nai-inspire na magsikap para maibigay natin sa kanila hindi lang ang mga bagay na nagpapasaya sa kanila kundi higit sa lahat, ang magandang kinabukasan.

Pero bago pa man sumapit ang pinananabikang Pasko, may dalawang okasyon tayong ipinagdiriwang para sa mga bata na inorganisa ng Child Rights Network at Philippine Legislators Committee on Population and Development Foundation.

Pinangunahan natin sa Senado noong ika-25 ng Nobyembre ang pagbubukas ng isang exhibit bilang pakikiisa natin sa pandaigdigang pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng United Nations Convention on the Rights of the Child (UNCRC) at ng National Children’s Month (Nobyembre 25-28).

Noong Nobyembre 20, 1989, lumagda ang Pilipinas sa UNCRC pero makalipas ang 30 taon, hindi maikakailang marami pang dapat gawin upang maproteksiyunan ang mga bata laban sa anumang uri ng pang-aabuso, karahasan at diskriminasyon at para imulat sa lahat na dapat kilalanin at respetuhin ang karapatan ng mga bata.

Isa sa mga karapatan ng mga bata na nakalatag sa UNCRC ay ang “right to identity.”

Nakasaad sa Article 8: “Where a child is illegally deprived of some or all of the elements of his or her identity, States Parties shall provide appropriate assistance and protection, with a view to re-establishing speedily his or her identity.”

Sa ating bansa, marami pa ring mga bata ang inaabandona at inaabuso ng kanilang mga magulang. Nakalulungkot na tila napababayaan sila ng estado.

Isa sa ating mga panukalang-batas para sa kapakanan ng mga bata ay ang Senate Bill No. 1070 o ang “Domestic Administrative Adoption Act” na kung magiging ganap na batas, mapapabilis at hindi magastos ang proseso ng pag-aampon.

Noong ako ay inampon ng aking mga magulang, inabot ng halos apat hanggang limang taon bago nakumpleto ang proseso. Bukod dito, hindi rin biro ang kanilang ginastos dahil napakamahal ng adoption process sa Pilipinas.

Kaya ang nangyayari tuloy ngayon para makaiwas sa haba ng paghihintay at malaking gastos, ‘yung mga gustong mag-ampon ay basta na lang kukunin ang bata nang hindi inaayos ang papeles o idinaraan sa legal at tamang proseso.

Kaya ano ang nangyayari? Kapag ang batang inampon ay pumasok sa school o kapag malaki na sila at maghahanap ng trabaho o mag-aasawa na, ‘pag hindi tama ang kanilang birth certificate, wala silang karapatan sa ating bansa.

Ito ang gustong lutasin ng ating bill. Tinatanggal natin ang mahaba, masalimuot at magastos na judicial process at sa halip ay administrative process na lang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa mabilis at murang administrative process ng adoption, marami ang maeengganyo na mag-ampon. Maibibigay na natin sa mga may magandang kalooban ang pagkakataon na magbigay ng “identity” at magandang buhay sa mga batang inabandona.

Bukod sa bill na ito, tayo rin ang nag-akda ng Republic Act 11222 o ang “Simulated Birth Rectification Act.” Ang batas na ito ang susi para maayos ang mga rekord ng mga bata na mali ang impormasyon sa kanilang birth certificate.

Ang “simulated birth” ay ang pagpeke ng birth certificate para palabasin na “biological” o tunay na mga magulang ng ipinanganak na sanggol ang nagpagawa nito.

At para naman sa kalusugan ng mga bata, iniakda natin ang National Feeding Program Law na nagbibigay ng libreng pagkain sa mga mag-aaral upang malabanan ang gutom.

Dahil kung busog ang batang Pilipino, mas may enerhiya sa katawan at may mas matalas na pag-iisip na kailangan sa kanilang pag-aaral.

Tandaan, ang pamilya ay nasa puso at hindi lamang sa dugo!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page