3 coming soon na batas, good news sa madlang pipol

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Pasensiya na kayo kasi may Southeast Asian Games (SEAG) fever pa ang inyong lingkod, kaya sinasabi nating naka-three points tayo, pero hindi sa basketball kundi sa tatlong isinumite nating panukalang-batas sa Senado.
At ang nakakatuwa, lahat ng mga ito ay lusot na sa ikatlong pagbasa at ilang sandali na lamang ay mag-uunahan ang tatlong ito na maging batas at tatlong ginhawa ang dulot nito para sa ating mga kababayan.
Ang una ay ang Senate Bill No. 643 tungkol sa pagkakaroon ng night shift differential pay para sa mga nagtatrabaho sa gobyerno na labas na sa kanilang regular time para lamang makapaglingkod sa bayan.
Sakop nito ang pagkakaroon ng kasiguruhan hinggil sa kaligtasan, seguridad at pagiging produktibo ng manggagawa dahil ang pagtatrabaho sa gabi ay banta rin sa kalusugan, pag-aari at buhay nito.
Sa ilalim ng ating panukalang-batas, ang manggagawa ay tatanggap ng 20% ng kanyang basic rate kada oras mula alas-6 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.
Bukod sa mga government workers ay sakop din nito ang mga manggagawa na nagtatrabaho sa Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs).
Lusot na rin sa ikatlong pagbasa ang pag-amyenda sa Sec. 19 ng Republic Act No. 10591 kung saan ang bisa ng renewal ng license of firearms ay nasa limang taon na mula sa dating dalawang taon.
At ang registration naman ng baril ay palalawigin na ng apat na taon mula sa orihinal na dalawang taon at tanging ang chief PNP lamang o ang kinatawan nito ang maaaring mag-isyu nito.
Ang mga dapat lamang bigyan ng permiso ay ang sinumang indibidwal na may banta sa buhay ngunit kailangang kumuha muna ng ‘threat assessment certificate’ sa PNP.
Maliban na lamang sa mga kasapi ng Philippine Bar, Certified Public Accountants, Accredited Media Practitioners, Cashier at Bank Tellers; Priests, Ministers Rabbi at Imams; Physician at Nurses; Engineers at Businessmen na awtomatikong papayagan dahil sa katangian ng kanilang trabaho.
Kapag hindi nakapag-renew sa araw ng expiration na isinabay na sa kaarawan ng may lisensiya ay agad itong mare-revoke at kapag dalawang ulit na hindi nai-renew ay habambuhay nang hindi makakakuha ng lisensiya.
Lusot na rin sa ikatlong pagbasa ang National Transportation Safety Board Act of 2019 na magsisilbing garantiya sa kaligtasan ng ating mga kababayan.
Bilang independent at non-regulatory agency, pangungunahan nito ang imbestigasyon sa mga aksidente sa himpapawid, highway, pipeline, railroads, karagatan at iba pang insidenteng may kinalaman sa transportasyon.
Sila rin ang tutukoy sa mga posibleng sanhi nito at magsasagawa ng pag-aaral na magiging basehan sa pagbuo ng mga panuntunang pangkaligtasan at susuri sa kakayahan ng mga ahensiyang pampamahalaan na siyang dapat mangalaga sa kaligtasan ng mamamayan.
Napapanahon ito dahil ayon sa datos ay mayroon tayong 49 kaso ng road injuries at isa ang namamatay kada araw noong 2018 at umabot sa 116, 906 insidente noong nakaraang taon at 394 sa mga ito ay nasawi, hindi pa kasama ang maritime at air transport incidents kung saan daan-daan nating mga kababayan ang namatay mula noong nakaraang sampung taon.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments