top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Mga adik sa online shopping, magbasa muna bago bumili para walang sisihan

Ryan B. Sison
Dec 12, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

12.12 na! Ibig sabihin, sandamakmak na sale at pakulo na naman ang laman ng mga shopping website.

Marami na naman ang tatambay sa mga ito dahil narito na ulit ang malawakang sale kaya siguradong mas maraming hahataw sa pamimili dahil maituturing itong huling hirit ng online shopping bago mag-Pasko dahil sa sangkatutak na sale.

Gayunman, bago magtodo-bigay sa pagsa-shopping, may ilang paalala tayo sa mga mamimili.

Huwag nating kalimutang gamitin ang ating pang-unawa. ‘Yung tipong bago bumili, intindihin ang terms and conditions ng shop, product description mula sa size, kulay at inclusions, gayundin ang delivery at payment options.

Gayundin, kapag nagkaroon ng aberya, magreklamo sa kinauukulan para maaksiyunan, hindi ‘yung magpo-post ng hinaing sa socmed pero wala namang hakbang na ginagawa para masolusyunan ang problema.

Sa ganitong pagkakataon, napakahalaga ng pag-intindi bago bumili.

Madalas, ang problema, masyado tayong nae-excite sa pagsa-shopping kaya dedma na sa impormasyon, basta maganda ang nasa picture ay bibilhin agad.

At kapag nadismaya sa natanggap na produkto, magpo-post sa socmed ng reklamo at sasabihing na-scam, kaya ang ending, seller ang naba-bash. Tsk!

‘Yung mga ganitong pagkakamali ay hindi lang dapat isisi sa seller dahil sa totoo lang, responsibilidad ito ng buyer.

Minsan tuloy, ‘yung mga ganitong insidente ay nagpapatunay na kulelat sa reading comprehension ang mga Pinoy. Hays!

Hindi na bago ‘yung mga eksenang mali ang item na natanggap o nadismaya dahil magkalayo ang hitsura ng natanggap na item kesa sa naka-post sa website.

Kaya sana, maging responsableng mamimili rin tayo dahil kapag naging mapanuri tayo at inunawang mabuti ang binasa bago bumili, bawas-aberya ito.

Huwag nating sayangin ang convenience at ganitong mga pagkakataon para makapamili nang payapa kahit nasa bahay o opisina lang, kaya pakiusap sa lahat, huwag magmadali sa pamimili at maglaan ng oras para magbasa at umintindi.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page