Jiu-Jitsu, naka-5 ginto; 3 sa soft tennis sa SEAG
- Gerard Arce / VA / MC
- Dec 12, 2019
- 2 min read

Photo: gmanetwork (right)
Humakot ng limang gintong medalya ang bagong salang na Jiujitsu sa 30th Southeast Asian Games sa Laus Group Event Centre sa San Fernando, Pampanga.
Pinatunayan nina Margarita ‘Meggie’ Ochoa at Annie Ramirez kung bakit sila ay tunay na World Champions matapos nilang dominahin ang mga kalaban sa kani-kanilang kategorya.
Isinumite ng 29-year-old na World at Asian Jiu-Jitsu Champion si Le Thu Trang Dao ng Vietnam, 12-0, upang kunin nito ang gintong medalya ng bansa sa women’s under-45kgs category.
Napagwagian ni 2018 Jakarta-Palembang bronze medalist ang kauna-unahang gintong medalya ng bansa at ng Asya sa larangan ng jiu-jitsu noong 2018 sa Jiujutsu World Championship sa Baltiska Hallen sa Malmo, Sweden.
Nalampasan ni dating Asian Beach Games gold medalist at World Jujitsu championship Ramirez si Cassandra J. Poyong ng Malaysia sa iskor na 3-0 upang makuha rin nito ang unang gold sa SEAG.
“Iba pa rin talaga kapag lumalaro ka sa sarili mong bayan,” wika ni Ramirez. “Sobrang sarap ng pakiramdam kasi first medal ko ito sa SEA Games na kahit nananalo ka na ng medal sa ibang bansa, iba pa rin talaga ito,” dagdag ni Ramirez.
Wagi rin ng gold medal si Carlo Peña nang talunin niya si Indonesian grappler Richard Rengga sa finals ng under-56kgs via 17-2.
Ang ika-apat na gintong medalya ay ibinulsa ni Dean Roxas matapos nitong talunin si Benjamin Chua ng Singapore sa men’s under-85kg division sa 3:49 mark upang makuha ang titulo.
Nag-uwi naman ng silver medal si Luigi Ladera sa under-94kgs. Bronze medal din ang naiuwi nina Gian Dee sa 62kgs, Peter Meimban at Apryl Eppinger nang matalo sa under-120kgs at under-62kgs division, ayon sa pagkakasunod.
Sa Soft Tennis, nagtapos na may tatlong gold medals ang Pilipinas matapos magwagi ng men’s team sa tambalan nina Dheo Talatayod at Mikoff Maduriao kahapon sa huling araw ng kompetisyon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Bumawi ang mga Pinoy mula sa pagkawala ng nauna nilang 2-0 bentahe sa nakatunggaling Thailand pair nina Sujaritplee Teerapat at Songweera Torlap upang makamit ang panalo sa deciding doubles match.
Binasag ng panalo nina Talatayod at Maduriao ang pagkakatabla upang makamit ang ginto.
Nauna ng nag-uwi ng gold medals para sa Pilipinas sa soft tennis sina Bien Zoleta-Mañalac sa women’s individual gold at ang tambalan nila ng kapatid na si Bambi Zoleta sa women’s doubles.





Comments