top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Extension ng kontrata, ibinasura.. Doble-singil sa tubig! — Maynilad at Manila Water

  • Jeff Tumbado
  • Dec 12, 2019
  • 2 min read

Ibinabala ng dalawang water concessionaire ang posibleng pagtataas ng singil sa tubig dahil sa pagkansela ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa pagpapalawig ng concession agreement na mapapaso na sa 2022.

Sa joint hearing ng House Committees on Good Government and Public Accountability at ng Public Accounts, inihayag ni MWSS Administrator for Engineering Leonor Cleofas na pinawalambisa na ang Board Resolution na nagpapalawig sa concession agreement sa Maynilad at Manila Water sa loob pa ng 15 taon o hanggang sa taong 2037.

“Based on the recent directive of the Office of the President and the Cabinet… they are now revoking... I think the word is revoking the board resolution adopted in 2008,” dagdag nito.

Ayon naman kay MWSS Deputy Administrator Chris Chuegan, kung mapapaso ang concession agreement sa 2022, hindi malinaw kung magkakaroon ng pagbabago sa singil ng tubig at may posibilidad na mabuksan ang bidding para sa bagong kontrata sa ibang water service provider.

Ikinagulat naman ng mga opisyal ng Maynilad at Manila Water na nalaman lang nila bago humarap sa pagdinig sa Kamara ang pagkansela sa extension ng kasunduan.

“We would like to react that it is with very grave concern that we view this action. We believe also that it’s not proper to unilaterally revoke the agreement,” ani Maynilad President and CEO Ramoncito Fernandez.

Kinontra rin ni Fernandez ang pahayag ng MWSS na wala nang magiging rate adjustments kapag napaso ang concession agreement. Nagsasagawa pa aniya sila ng pagko-compute at asahan na magkakaroon ng malaking pagtataas sa singil sa tubig na maaaring mahigit sa 100 porsiyento.

Nilalayon aniya ng extension na makabawi sa anumang pagtataas sa taripa o presyo ng tubig lalo na kung kakailanganin ng mga water concessionaire na mamuhunan ng malaki.

Samantala, hindi umano kakayanin ng MWSS na makapagbigay ng maayos na serbisyo ng malinis na tubig lalo na sa Metro Manila kung hindi matutulungan ng dalawang water concessionaire.

Ani Cleofas, kulang ang kanilang mga tauhan na wala pang 100.

Hindi rin aniya sapat ang iba pang resources ng MWSS para masuplayan ang milyung-milyong mga kustomer ng Maynilad at Manila Water.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page