top of page
SHEET - CLAUDINE, NAPIKON NA TINAWAG NA BIPOLAR, MAGDEDEMANDA_FB Claudine Barretto.jpeg

Amit at Centeno, reyna sa women’s 9 at 10-Ball SEAG

Eddie M. Paez, Jr.
Dec 12, 2019
2 min read

Muling pinatunayan ng Pilipinas na hindi tsamba ang dominasyon nito sa women’s 9-Ball singles at women’s 10-Ball singles nang hablutin nina Rubilen “Bingkay” Amit at Chezka “The Flash” Centeno ang korona sa women’s 9-Ball doubles sa pagsasara ng billiards competition sa 30th Southeast Asian Games sa Manila Hotel Tent.

Sa labanang magbibigay ng ginto sa unang makakaiskor ng pitong panalo sa finals, isang 7-0 na panghihiya ang ipinoste nina Amit at Centeno laban sa mga pambato ng Indonesia na sina Fathrah Masum at Nony Andilah kaya nakuntento sa pilak ang mga dayuhan.

Nauna rito, nakuha ni Centeno ang gold sa 10-Ball habang naiuwi ni Amit ang silver medal. Isang 1-2 finish naman ang nakita sa 9-Ball singles pero nagpalit sila ng papel dahil si Amit ang nagkampeon at sumegunda si Centeno.

Dahil sa tagumpay, nairekord ng dalawa ang sweep sa women’s billiards.

Si Amit ang itinuturing na kasalukuyan ng Philippine women’s billiards champion samantalang si Centeno naman ang future ng women’s billiards.

Sa kabuuan, apat na ginto ang naibulsa ng punong-abala dahil namayani rin si Dennis “Robocop” Orcullo sa men’s 10-Ball singles.

Ang pangatlong silver medal ay ipinagkaloob nina Jefrey Roda at Alvin Barbero nang pumangalawa sila sa snooker doubles.

Limang tansong medalya (dalawa mula 10-Ball men’s doubles, dalawa mula sa 1 Cushion Carom at isa mula sa snooker singles) ay naging parte rin ng kontribusyon ng mga manunumbok ng bansa sa 2019 SEAG.

Dalawang gintong medalya ang nakatakas sa Pilipinas matapos na masibak sa quarterfinals ng 9-Ball men’s Singles sina Orcullo at Warren Kiamco kaya sa pinakapopular na event ay wala kahit na anong kulay ng medalya ang napunta sa Pilipinas at bunga na rin nakaporma sa men’s doubles ang mga premyadong manunumbok ng Pilipinas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page