Single mother na nanaginip ng mga batang nagkakasiyahan, kailangan ng katsismisan para sumaya ang bu
Salaminin natin ang panaginip ni Rezo ng Risalinda_Dela_Santos@ facebook.com
Dear Professor, Napanaginipan ko na Pasko na at nagdatingan ‘yung mga pamangkin ko at mga kaibigan nila, gayundin, may kasama silang matatanda. Pagkatapos nilang kumain, naglaro sila sa bakuran namin, pinanonood ko lang sila habang nagsi- sigawan at naghahabulan, tapos kapag napagod na sila ay umuupo sa damo at nagkukuwentuhan, pero masaya sila. Dito sa amin, taun-taon ay naghahanda sina mama at papa para sa mga bisita namin na kamag-anak at dumarating din ‘yung mga kapitbahay namin at iba pang kakilala nina mama at papa. Bakit kaya ganu’n ang panaginip ko, eh, hindi naman ako bata? 36 na ako at single mother.
Naghihintay, Rezo
Sa iyo Rezo, Ayon sa iyong panaginip, maraming bagay ang tumatakot sa iyo at ito ay maaaring dahil sa pagiging single mother mo. Hindi na natin iisa-isahin at baka mapaluha ka pa dahil dito sa mundo, kailangan ng kaagapay sa pakikipagsapalaran.
Sabi ng panaginip mo, pansamantala mong kalimutan ang mga iniisip mo na nagpapahina ng iyong loob at para makalimutan mo, direktang sinabi ng panaginip mo na panoorin mo ang mga bata na masaya at tila walang mga problema.
Medyo mahirap sundin ang payo ng iyong panaginip dahil hindi totoo na walang tao na walang problema, lalo na ang tulad mo, kaya lang, ito ang payo sa iyo ng panaginip mo —magsaya ka na parang musmos na bata at hindi iniisip ang mga darating na araw.
Hindi mo man magawa ang sinasabi ng panaginip mo, sa maniwala ka o hindi, masusunod mo rin ito. Paano?
May hindi nakikitang dahilan ang bawat nagaganap sa mundo. Alam mo, iha, kaya may mga palabas sa T.V. at pelikula na nakalilibang ay upang pansamantalang makalimutan ang mga problema.
Hindi man direktang sinasabi ng mga palabas na manood kayo para makalimot sa mga suliranin at para gumaan ang iyong saloobin, ito ang kanilang layunin.
Alam mo, iha, may isa pang mahirap paniwalaan— kapag ang pinanood natin ay nakakatawa o nakapagbibigay ng saya na pagkatapos nating matawa o ngumiti, nananariwa ang ating lakas at ang lungkot ay napapalitan ng sigla.
Kaya kung hindi mo masyadong gusto na panoorin ang mga batang masaya, maghanap ka ng magpapasaya sa iyo tulad ng pakikipagkuwentuhan sa mga kapitbahay o kaibigan kung saan ang mga kuwento ay tungkol sa buhay ng may buhay.
Makinig ka lang, hindi sinasabi ng iyong panaginip na paniwalaan mo ito. Tiyak na lalakas at sisigla ka na parang bata na walang takot kung ano ang darating sa susunod na mga araw.
Ang totoo, marami sa pinanonood nating mga pelikula, lalo na ‘yung pinakamaraming nanood ay hindi kapani-paniwala, pero masarap panoorin, gayundin ang kuwento ng mga kapitbahay at ilang kaibigan natin, masarap pakinggan, pero hindi dapat paniwalaan.
Muli, maghanap ka ng magpapasaya sa iyo nang sa gayun ay hindi mo gaanong indahin ang hirap ng buhay ng single mother.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments