PNP, hanggang OIC na lang, wala pa ring hepe, anyare?!
Walang opisyal na pahayag ang PNP kaugnay sa serye ng mga ulat ng pagdukot sa mga kabataan sa Pasay City.
Kalat ito sa social media, pero dedma lang ang PNP.
Totoo ba ang ulat o hindi?
◘◘◘
GAYUNMAN, isang malaking bagay ang pagkakadiskubre ng pulisya sa bilyong halaga ng shabu na nakumpiska sa Makati City, kamakailan.
Naaresto sa operasyon ang ilang Chinese na itinuturong utak ng sindikato!
◘◘◘
LINGID sa kaalaman ng marami, ang sumalakay dito ay ang puwersa ng pulisya na nakabase sa Camp Crame imbes na ang operatiba sa Metro Manila.
Eh, bakit?
◘◘◘
MALINAW na kumikilos ang pulisya na nakabase sa Camp Crame laban sa illegal drugs.
Nasaan na ang ibang grupo ng mga operatiba na nakatoka laban sa droga?
◘◘◘
DAPAT nang magtalaga si P-Digong ng aktuwal na hepe ng PNP.
Hindi puwedeng magtagal na OIC lamang ang nangangasiwa sa Pambansang Pulisya!
◘◘◘
KUNG itinuturing na maselang isyu ang illegal drugs, bakit OIC ang nangangasiwa sa PNP?
Indikasyon ba ‘yan na nagwawagi ang mga drug lords dahil tuliro ang gobyerno?
◘◘◘
DAPAT maging normal ang takbo ng Pambansang Pulisya.
Mangyayari lamang ito kapag ang itinalaga ni P-Digong ay nagmula sa mga heneral na inirekomenda ni DILG Secretary Eduardo Año!
◘◘◘
MAHALAGANG igalang ni P-Digong ang umiiral na protocol upang hindi mademoralisa ang hanay ng pulisya.
Kapag binastos ang protocol, tila binastos na rin ng Malacañang ang sarili nilang hanay!
◘◘◘
MALINAW ang proseso at merit system sa PNP, Civil Service at Napolcom, bakit hindi ito ang pagbatayan nang teknikal.
Ito ay upang maipakita sa madla na “nasusunod ang batas, nasusunod ang proseso at nasusunod ang sistema”!
◘◘◘
KAPAG na-bypass o ipinagwalambahala ang umiiral na proseso, para saan pa ang gobyerno?
Dapat nang buwagin ang Napolcom at baguhin na rin ang batas na gumagabay sa Pambansang Pulisya!
◘◘◘
KUNG naniniwala mismo si P-Digong na epektibo ang nagdaang tatlong taong termino sa paglaban sa droga, bakit hindi niya maitalaga ang “tatlong high ranking officials” na inirekomenda ng DILG at Napolcom.
Sira ba ang umiiral na merit system at promotional board ng Civil Service Commission, DILG at Napolcom?
◘◘◘
HINDI dapat pumostura si P-Digong na magtutulak upang mawala ang tiwala ng taumbayan sa mismong PNP na kanyang ipinagmamalaki at kinakandili.
Hindi niya dapat bastusin ang “sarili niyang administrasyon”!
◘◘◘
SA totoo lang, wala namang “anghel o santo” sa ibabaw ng lupa.
Lahat ay nagkakasala o natutukso.
Pero, ang italaga ang mga opisyal na mas may mabababang ranggo ay kasiraan sa proseso ng merito.
Ito ay ebidensiya na wasak at hindi dapat igalang ang Napolcom at Civil Service!
◘◘◘
ANG Konstitusyon ay malinaw na nagtatadhana kung anong ahensiya ang nakatoka upang matukoy ang mga karapat-dapat na opisyal na itatalaga sa maselang posisyon.
Dapat igalang ito!
◘◘◘
SA ngayon, tatlong high ranking officials ang inirerekomenda ng DILG, Napolcom at CSC bilang mauupong bagong PNP chief.
Mula sa tatlong ito, dapat pumili si P-Digong ng bagong PNP chief.
‘Yan ay kung may tiwala siya sa “gobyerno” na kanyang pinangasiwaan ng mahigit tatlong taon.
Kung wala siyang tiwala sa “sariling gobyerno”, pwes, labagin niya ang protocol at gamitin niya ang kanyang diskresyon.
Malaya siya!





Comments