top of page
Pokwang.jpg

Mga kostumer na inuuna ang init ng ulo, bidang-bida sa viral videos

Ryan B. Sison
Dec 11, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Papalapit na nang papalapit ang Pasko at imbes magsaya, minsan, hindi rin mabilang ang mga bagay na nagpapainit ng ulo natin. Hay, naku!

Halimbawa nito ang mga bayarin, trapik at pagod sa pamimili at trabaho. At dahil dito, du­marami na naman ang mga kababayan nating napagbubuntunan ng init ng ulo, lalo na ang mga nagtatrabaho.

Kamakailan, sunud-sunod ang kumalat na videos sa social media ng pamamahiya ng mga kostumer sa staff ng iba’t ibang pamilihan.

Unang nag-viral ang video ng isang kostu­mer ng milktea store. Makikita sa video na sini­sigawan ng kostumer ang cashier dahil wala itong panukli sa kanya, gayundin, ipinagsi­gawan pa nitong puwede siyang idemanda ng cashier, ngunit, siguraduhin lamang nitong ka­yang magbayad ng abogado.

Sumunod naman ang Angkas driver na sini­gaw-sigawan ng pasahero at ipinahiya dahil na-late ang rider at ayaw maniwala ng pasahero na naipit ito sa trapik. Galit na galit ito habang dinuduro ang rider at sapilitang ipina-cancel ang booking.

Samantala, mabilis na kumalat ang video ng ginang na nambato ng humidifier sa saleslady sa isang mall.

Makikita sa video na unang tina­maan ang kanang mata ng biktima at kahit hawak nito ang tinamaang mata, kumuha pa ng humi­difier ang ginang saka ibinato ulit sa kanya.

Kuwento ng biktima, hindi sila nagkauna­waan ng kostumer sa paggamit ng perfume tester at bukod sa pambabato, nagbanta pa ang ginang na papatayin siya.

Sa totoo lang, napakasakit sa puso na pano­orin ang mga viral video dahil kapwa Pinoy pa natin ang namahiya at nanakit sa mga kababa­yan nating nagsisilbi sa kanila.

Hindi porke binabayaran ang serbisyo na ibinibigay nila ay may karapatan na tayong ga­win ang lahat ng gusto nating gawin sa kanila.

Hindi naman siguro natin ikamamatay ang paghingi ng pasensiya at pag-intindi, ‘di ba? Bakit hindi natin ito kayang gawin?

Dahil sa mga insidenteng ito, nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na habaan ang pasen­siya at maging maunawain, gayundin, huwag pairalin ang init ng ulo sa lahat ng pagkakataon.

Lahat tayo ay nakararanas ng pagod at prob­lema kaya sana, maging mabuti tayo sa bawat isa. Minsan, ‘yung mga taong may malalaking ngiti at pinipiling magtrabaho, sila pa ‘yung may mabigat na pinagdaraanan.

Totoong hindi nabibili ng pera ang respeto kaya panawagan sa lahat, ‘wag tayong mamili ng taong rerespetuhin natin dahil karapat-dapat itong ibigay sa lahat ng tao, anuman ang kani­lang trabaho o katayuan sa buhay.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page