Utol na nagnakaw ng cellphone, puwedeng idemanda ng civil pero hindi criminal case
- Dr. Persida V. Rueda-Acosta
- Dec 10, 2019
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Nais kong kasuhan ng pagnanakaw ang kapatid ko. Kinuha niya ang bagong bili kong cellphone. Itinatanggi niyang siya ang kumuha, gayung nakita siya ng aming kasambahay na kinuha niya ito sa bag ko. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip niya para gawin ‘yun. Gayunman, nais ko siyang sampahan ng kasong kriminal upang magtanda siya. Sana, mapayuhan ninyo ako. — Dhon
Dear Dhon, Ang isa sa mga paraan na nagaganap ang pagnanakaw ay kung ang isang bagay ay kinuha nang walang karahasan, puwersa o intimidasyon at wala ring pahintulot mula sa may-ari nito. Ang probisyon ng batas na nakasasaklaw dito ay ang Artikulo 308 ng ating Revised Penal Code (RPC):
“Art. 308. Who are liable for theft. — Theft is committed by any person who, with intent to gain but without violence against or intimidation of persons nor force upon things, shall take personal property of another without the latter’s consent.
x x x”
Alinsunod sa probisyon ng Section 81 ng Republic Act (R.A.) No. 10951 na naamyendahan ang probisyon ng Artikulo 309 ng RPC, mayroong kaakibat na pagkakakulong ang sinumang mapatunayang nagnakaw.
Gayunman, itinuturing na walang kriminal na responsibilidad para sa reklamong theft sa pagitan ng magkakapatid. Batay sa Artikulo 332 ng nasabing batas:
“Art. 332. Persons exempt from criminal liability. — No criminal, but only civil liability, shall result from the commission of the crime of theft, swindling or malicious mischief committed or caused mutually by the following persons:
x x x
3. Brothers and sisters and brothers-in-law and sisters-in-law, if living together.
x x x”
Kaugnay nito, hindi ka maaaring maghain ng reklamong kriminal laban sa iyong kapatid. Subalit, maaari kang maghain ng kasong sibil laban sa kanya upang mabayaran ka sa halaga ng nawalang gamit kung mayroon kang sapat na katibayan na siya ang kumuha sa nawawala mong cellphone. Tandaan, na sa anumang uri ng kasong ihahain ay dapat mayroong kongkretong ebidensiya laban sa taong inirereklamo mo upang kayo ay katigan ng ating hukuman.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments