Mga sintomas ng iba’t ibang stage ng breast cancer
- Shane M. Ludovice, M.D
- Dec 10, 2019
- 3 min read
Dear Doc. Shane, Six years ago, namatay sa breast cancer ang tita ko, tapos ngayon ay na-diagnosed sa kaparehong sakit ang isa ko pang tita at ito ay Stage III na. Worried kami sa sitwasyon ng tita ko dahil siya na lang ang natitirang kapatid ni mama. Gaano ba kalala ang Stage III breast cancer? — Meg
Sagot Kanser ang tawag sa sakit kung saan may mga cells ng katawan na dumarami na hindi kontrolado ng katawan at sa paglaganap ay sinisira nito ang normal na bahagi ng katawan. Kung hindi ito maaagapan ay kakalat ito nang kakalat hanggang sa hindi na makaya ng katawan at ito ay maaaring mauwi sa pagkamatay. Subalit, ang kanser ay maaari nang magamot ngayon at hindi na ito nangangahulugan ng siguradong kamatayan, lalo na kung ito ay maaagapan. Sa sakit na cancer, ang mga ‘stage’ ay ang mga antas ng pagkakasakit, ayon sa iba’t ibang pamantayan.

BREAST CANCER, STAGE 0
Mayroong mga cells na cancerous subalit, ito ay nakapaloob sa isang butil o maliit na bukol. Ito ay nalalaman sa pamamagitan ng mammography. Depende sa iba’t ibang mga bagay tulad ng edad ng pasyente at ang pagkakaroon sa pamilya ng breast cancer, puwedeng obserbahan lamang ang apektadong suso ngunit, puwede ring tanggalin ang bukol sa pamamagitan ng operasyon.
STAGE I BREAST CANCER
Maliit pa ang kanser, ang breast cancer ay nasa loob ng suso ng babae subalit, ito ay kumakalat na sa labas ng bukol. Dahil ito ay kumakalat na, kahit maliit pa, ang pinakamabuting gawin ay surgery o operasyon — karaniwang tinatanggal ang isang bahagi ng apektadong suso (lumpectomy) o inaalis ang buong suso (mastectomy). Depende sa iba’t ibang mga bagay tulad ng edad ng pasyente, ang pagkakaroon sa pamilya ng breast cancer dati ay maaaring sumailalim din sa chemotherapy, radiotherapy at endocrine therapy.
STAGE II BREAST CANCER
Katamtaman ang laki ng bukol sa suso at maaaring kumalat na sa mga kalapit na kulani ang mga cancerous cells ngunit, hindi pa ito lumalabas sa suso. Operasyon pa rin ang pangunahing paraan ng gamutan ngunit, mas madalas na itong inaalalayan ng iba pang prosesong medikal tulad ng chemotherapy, radiotherapy at endocrine therapy para mas mataas ang probabilidad na masugpo ang kanser.
STAGE III BREAST CANCER
Malaki na ang bukol at may ilang kulani na rin na apektado ng kanser. Maaaring ang kanser ay kumalat na rin sa ‘chest wall’ o ang haligi ng dibdib na naghihiwalay sa suso sa loob ng katawan. Dahil malaki na ang kanser, kailangan nito ng kombinasyon ng dalawa o higit pang gamot tulad ng chemotherapy (paggamit ng mga gamot upang labanan ang kanser), operasyon, radiotherapy (paggamit ng malalakas na x-ray upang sugpuin ang mga cells na mayroong kanser), endocrine therapy (tulad din ito ng chemotherapy, pero ang ginagamit ay hormones).
STAGE IV BREAST CANCER
Kumalat na ang kanser sa iba’t ibang bahagi ng katawan tulad ng buto, bituka, atay, baga etc. Dahil dito, kalimitan ay walang benepisyo ang operasyon, bagkus, susubukan na lang sugpuin ang kanser sa pamamagitan ng chemotherapy, radiotherapy, endocrine therapy. Kung sobrang malala na ang kanser, ang paggagamot ay para maiwasan ang sakit, hirap sa pagtulog, hirap sa paghinga, hirap sa pagkain at iba pang puwedeng maramdaman ng pasyente. Ang layunin ay manatiling maayos ang kalidad ng buhay ng pasyente.
Ang mga paraan ng gamutan na ating tinalakay ay mga general guidelines ngunit, bawat pasyente ay nangangailangan ng partikular na gamutan ayon sa kanilang mga doktor, depende sa kanilang partikular na kalagayan. Ang kanser ay matinding sakit ngunit, sa anumang ‘stages’ nito ay may mga gamot na maaaring ibigay upang masupil ang sakit o mapanatili ang kalidad ng buhay.




Comments