Exodus ni: John Rey Seminiano Reonico

Tumarak sa aking guniguni, ang sigla ng nakaraan kung saa’y bawat mamamaya’y nagtutulungan, bayanihan at damayan.
Mga batang kay saya’t, naglalaro sa pamayanan. Salamin ng nakaraang walang ginto’t walang mayaman. Dumating ang kukong, kumamot, dumukot, sa bulsa ng Inang Bayan.
Isang sigaw ang dumurog, bumasag sa aking kinagisnan. “Ibigay n’yo sa’kin ang ginto, singsing at alahas, tayo’y bubuo ng ginintuang bukas.”
Naalimpungatan ako sa mga yabag, ingay at alikabok, Naglalakihang bulldozer, kinakayod ang ating mga bundok.
Mga katutubo’y nawalan, pinagkaitan ng pamayanan. Ipinunlang lapot ng pawis, dugo buhat ng pagod, ano nga bang laban nito sa kinang ng makabagong lungsod?
Ang mga bata sa aking panaginip, nagsipaghubad na ng bahag, nagsuot ng safety gears, helmet at nagsipagtibag. Nagpanday ng kutsilyong sa sarili’y isasaksak.
Ito ba ang pagbabagong matagal na nating hinahangad? Sila’y pinaaalis, hinihingan ng titulo. Papel lang ba ang katumbas ng libu-libong tao?
Henerasyong pinangakuan sa loob ng maraming siglo, tayo ba ang sisira para sa makasariling pagbabago?
Kung sa pagbabago’y may masisirang pamayanan, kung sa pagbabago’y magugutom ang iyong mamamayan, kung sa pagbabago’y iilang grupo lang ang yayaman, matatawag pa ba itong kaunlaran?
Magandang araw, mga bes! ‘Wag nang magpahuli sa trend at i-share na ang inyong #Hugot at i-confess mo na, bes ang matagal mo nang gustong aminin sa bagong column ng BULGAR na WHAT’S IN, KA-BULGAR? Ito na ang perfect timing para ma-publish ang laman ng inyong damdamin kaya mag-send na ng personal message sa aming official Facebook page – www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL. Hihintayin namin ang PM n’yo, mga bes, hindi ‘yung puro kayo na lang ang naghihintay sa wala. Char!





Comments