top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

3 sasakyan nagkarambola, 2 riders nadale

Maeng Santos
Dec 10, 2019
1 min read

Malubhang nasugatan ang dalawang riders matapos magkarambola ang kanilang mga sasakyan at isang jeep na biglang pumreno sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Ginagamot sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sanhi ng tinamong mga sugat sa katawan sina Kevin Reyes, 21, ng Bagong Silang at Remegio Abainica, 57, ng Bgy. 173.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injury at damage to property ang driver ng Isuzu Jitney (PVG 568) na si Cesar Moldez, Jr., 29, ng Bagong Silang.

Sa nakarating na ulat kay Caloocan Police Chief Col. Noel Flores, alas-7:30 ng gabi, tinatahak ng jeep na minamaneho ni Moldez at ng motorsiklo na minamaneho ni Abainica ang Camarin Road patungong Susano Road at pagsapit sa tapat ng convenience store sa Bgy. 172, Urduja ay biglang pumreno si Moldez dahilan upang sumalpok sa likod ng kanyang sasakyan ang motor ni Abainica.

Bumagsak si Abainica sa kalsada habang ang kanyang motorsiklo ay tumilapon sa kabilang linya at nahagip ang motor na minamaneho naman ni Reyes kaya kapwa sila itinakbo sa nasabing pagamutan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page