top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Sakripisyo ng mga atletang Pinoy, walang katumbas!

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Dec 9, 2019
  • 2 min read

Matatapos na ngayong Miyerkules, Disyembre 11 ang 30th Southeast Asian Games. Nakatutuwang panoorin ang mga atletang Pinoy — ang kanilang galing at gilas sa kani-kanyang sport.

Noong Biyernes, nagmisa kami sa dalawang paaralan. Sa umaga, nagmisa kami para sa Grades 10, 11 at 12. At sa hapon naman ay sa Grades 1, 2 at 3.

Nakatutuwang magmisa sa mga bata na nagsisimula pa lamang maghanda sa pagharap sa mga responsibilidad ng buhay. Napakarami nilang katanungan at kitang-kita sa kislap ng kanilang mga mata ang pangarap na mayroon sila.

Habang tinitingnan namin ang mga bata na nagsimba, naalala namin ang nangyari noong Setyembre 2001 nang tumakbo kami sa Australia kasama ang ilang kabataang Australiano.

Ginamit namin ang pagtakbo upang ikampanya na patawarin na ang International Debt ng Pilipinas na mula pa noong panahon ng diktaduryang Marcos.

Nakatutuwang panoorin ang kabataang Australiano na mabilis at punumpuno ng gilas habang tumatakbo sa malawak na kalye sa iba’t ibang bahagi ng Australia.

Nalaman naming kapag nagpapatayo ng pampublikong paaralan sa kanilang bansa, hinihingi ng pamahalaan na dapat may bahagi ito para sa football field, dahil sa paniniwalang hindi lang classrooms ang kailangan ng mga estudyante kundi espasyo rin kung saan maaari silang makapagpapawis, makapaglaro, magpalakas at iba pang bagay na magtataguyod sa kanilang pangangatawan.

Paliwanag ng Australianong guro sa Pilosopiya, “hindi mapaghihiwalay ang katawan sa isip, puso, diwa at espiritu ng tao. Mas gumagaling sa maraming bagay ang tao na may malakas at masiglang katawan.”

Sa kabila ng pagsang-ayon namin sa guro, naisip namin ang kalagayan ng mga paaralan sa ating bansa. Hindi tulad ng first world countries, ang ilang bansa sa Timog-Silangang Asya, kabilang ang Pilipinas ay mahirap lamang kung saan pinipilit ng mga paaralan na magkaroon ng maliit na gym o whole court.

Pero sabihin man na kapos sa ilang pangangailangan ang mga Pinoy, hindi sa ganitong pagkakataon natatapos ang lahat.

Sa 30th SEA Games na kasalukuyang ginaganap sa bansa, humakot ang mga Pinoy ng napakaraming medalya kung saan ginto ang may pinakamataas na bilang.

Nais nating bigyang-pugay ang sakripisyo ng mga atletang Pinoy — may medalya man o wala. Kaugnay nito, bigyang-diin natin na ang sports ay ispirituwal din na gawain.

Para sa atin, hindi lamang pera o katanyagan ang dapat hinahangad at pinagsisikapang makuha ng atleta kundi ang kaganapan ng natatagong galing at gilas na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos. Mabuhay kayo, mga atleta ng Timog-Silangang Asya, larawan kayo ng bokasyon ng bawat isa. Hanapin ang natatagong galing at gilas. Hubugin at ialay ito sa bayan, sa kapwa at sa Diyos na pinagmulan ng lahat.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page