top of page

Galing at ugaling Pinoy, puring-puri ng iba’t ibang bansa sa SEA Games

  • Ka Ambo
  • Dec 9, 2019
  • 2 min read

Viral sa social media ang kabayanihan ng Pinoy surfer na si Roger Casugay.

Imbes na targetin ang sure gold, dahil napahamak ang kalaban, minabuti niyang sagipin ito mula sa panganib ng pagkalunod.

Napa-wow ang mga dayuhan!

◘◘◘

NAPUTOL ang tali ng surf board ng Indonesian na si Arip Nhuridayat bago hinampas ng malaking alon sa Monaliza Point sa La Union.

Makokopo na sana ni Casugay ang ginto dahil may aberya ang katunggali, pero binalikan niya si Nhuridayat na agad niyang nasagip nang maisakay sa kanyang surf board.

Nagpasalamat ang mga Indonesian sports officials sa kabayanihan ng Pinoy surfer!

◘◘◘

ANG Indonesia ang pinakamalapit na kakumpitensiya ng Pilipinas sa overall medal tally dahil no.1 ang Pilipinas na may halos 100 ginto, nakabuntot ang Indonesia sa ikalawang puwesto.

Isinakripisyo ni Casugay ang tsansa sa ginto at sinagip ang buhay ng kalaban.

Bumilib ang mga dayuhan at turista sa atletang Pinoy!

◘◘◘

HINDI lang bilib sa Pinoy ang karibal sa overall tally na Indonesia, kundi maging ang kulelat na Timor Leste na panghuli sa medal tally, humahanga rin.

Ang mga Pinoy ay patuloy na sumusuporta sa Timor Leste.

Tulad ng Pilipinas, isang Christian nation ang Timor Leste!

◘◘◘

HINDI lang nakaaangat ang Pilipinas sa husay at galing ng mga atleta, bagkus ay tinitingala ngayon ang bansa dahil sa mga world-class na pasilidad at episyenteng pangangasiwa sa biennial meet.

Nananatiling nakalutang ang diwa at kaluluwa ng sportsmanship na pinatitindi ng hospitalidad ng mga Pinoy!

◘◘◘

PINURI rin ni Thailand Lawn Bowl Coach Daniel John Simmons ang pasilidad sa Clark Freeport, isa sa mga venues ng lawn bowl competition.

Ayon kay Simmons, nakakabilib ang ginawa ng ‘Pinas na world-class sports facility sa loob lamang ng 40 araw!

◘◘◘

AYON naman sa Malaysian official na si Abdul Kader, director general ng International Sepak Takraw Federation, nakamamangha ang Sepak Takraw venue sa Subic gymnasium.

Tinawag niya itong pinakamagandang Sepak Takraw venue sa kasaysayan ng SEA Games!

◘◘◘

MAGING ang Olympic gold medalist swimmer na si Joseph Schooling ay napabilib sa kanyang naging karanasan sa 30th SEA Games.

“Awesome” raw ang energy sa 30th SEA Games at ibinida pa ang kanyang Pinay na yaya na 10 taon nang naninilbihan sa kanyang pamilya!

◘◘◘

PATI ang SEA Games first timer event na e-sports ay umani rin ng papuri.

Ang venue sa San Juan ay balot ng iba’t ibang ilaw, smoke machine at hiyawan ng mga manonood.

Ayon kay Benjamin Assarasakorn ng Thailand E-Sports Federation, ang ‘landmark hosting’ ay dapat tularan ng ibang bansa sa Asya kung paano tatratuhin ang sports!

◘◘◘

DAHIL sa maayos na pangangasiwa ng Pilipinas sa 30th SEA Games, makakakuha ng suporta at simpatya ang Pilipinas sakaling magsumite ng bidding ang bansa sa 2030 Asian Games.

‘Yan ay pangarap na posibleng matupad.

Let’s get ready to rumble!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page