Anak sa labas, may ‘k’ mamili kung gustong gamitin ang apelyido ng ama
- Dr. Persida V. Rueda-Acosta
- Dec 9, 2019
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Bata pa lamang ako ay iniwan na ako ng tatay ko at mula noon ay nanay ko na lamang ang nag-alaga sa akin. Hindi sila kasal at kahit nasa tamang edad na sila noong ipinanganak ako ay hindi pa raw sila mature kaya sila naghiwalay. Kamakailan ay nagkrus ang aming landas at nabanggit ng tatay ko na gusto niya akong kilalaning anak. Sa totoo lang, wala namang problema dahil maayos ang lahat sa amin, pero ang iniisip ko, ang lahat ng dokumento ko ay nasa apelyido ng nanay ko at hassle ang magpalit. Ano kaya ang puwede kong gawin? — Charrie
Dear Charrie, Ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 9255. Malinaw na nabanggit sa nasabing batas:
“SECTION 1. Article 176 of Executive Order No. 209, otherwise known as the Family Code of the Philippines, is hereby amended to read as follows:
“Article 176. Illegitimate children shall use the surname and shall be under the parental authority of their mother, and shall be entitled to support in conformity with this Code. However, illegitimate children may use the surname of their father if their filiation has been expressly recognized by the father through the record of birth appearing in the civil register, or when an admission in a public document or private handwritten instrument is made by the father. x x x” (Binigyang-diin)
Malinaw sa probisyon ng nasabing batas na kailangang gamitin ng hindi lehitimong anak ang apelyido ng kanyang ina at siya ay mananatili sa pangangalaga nito. Gayunman, maaaring gamitin ng hindi lehitimong anak ang apelyido ng kanyang ama kung siya ay kinikilala nito maging sa kanyang tala ng kapanganakan — sa pampublikong dokumento o sa pribadong dokumento na sulat-kamay ng huli. Mababanaag ang kakayahang ito sa paggamit ng salitang “may” sa naturang probisyon ng batas na nangangahulugan na ang hindi lehitimong anak ay binibigyan ng pagkakataon o option na gamitin ang apelyido ng kanyang ama.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments