2 pang gold sa skatebording

Literal na iniwan ni Jericho Jojit Francisco ang mga kalaban upang mauwi ang ginto sa Men’s Park ng Skateboarding sa 30th SEAG sa Tagaytay City. Napakalayo ng natalang 42.20 puntos ni Francisco kumpara sa 10 iba pang kalahok. Pangalawa si Jason Lunzaat ng Indonesia na may 33.33 puntos lang at malayo din ito sa pumangatlong si Brian Van Upapong ng Thailand na may 26.33 puntos. Pang-pito ang isa pang Filipino na si Daryl Dominguez na may 14.66 puntos.
Nakatikim sa wakas ni Christiana Means ng ginto matapos mag-pilak ng dalawang beses kay Margielyn Didal. Hindi lumahok si Didal sa Women’s Street at ito ang nagbukas ng pinto kay Means na magtala ng 11.20 puntos patungo sa ginto at talunin sina Nyimas Cinta (10.76) at Neepa Pramesti (8.10) na parehong taga-Indonesia.Sa mga bundok sa malapit na bayan ng Maragondon, Cavite ginto at pilak din ang namina ng Pilipinas sa Men’s Downhill Race. Nag-duwelo sina kampeon Jaime Rafael de Lange at Duke Raphael Pandeagua at tinira ang tanso kay Shahrafidz Luoman Hakimi Ahmad ng Malaysia.
Subalit hindi nawalis ng Pilipinas ang lahat ng ginto sa huling araw ng Skateboarding. Tanso lang ang nakaya ni Rydelle Grace Albarico sa Women’s Downhill kung saan inunahan siya nina kampeon Grace Wong ng Malaysia at Nuansamorn Pimchua ng Thailand.





Comments