Taekwondo team, naka-ginto pa at 2 silver sa recognized team
- Gerard Arce
- Dec 8, 2019
- 1 min read

Patuloy na humahakot ng gintong medalya ang koponan ng Philippine Taekwondo sa 30th Southeast Asian Games, kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.
Bukod sa gold nina Rodolfo Reyes at Jocel Lyn Ninobla, gold medal din ang sinipa ng grupo nina Reyes Jr., Jacob at Raphael Enrico Mella sa men’s Recognized Poomsae Team sa 8.483 puntos.
Sumunod sa kanila para sa silver medal ang bansang Vietnam na may 8.416 na pinagtulungan nina Le Thanh Trung, Tran Tien Khoa at Nguyen Thien Phung, habang sina Grocer, Jason Loo Jun Wei at Yong Jin Kun ng Malaysia ay nag-uwi ng bronze sa 7.983 puntos.
Ito ang ikatlong sunod na gold medal para kay Reyes Jr., habang ika-apat na gold sa magkapatid na Mella sa Poomsae team category simula noong 2013 Naypyidaw, Myanmar Games.
“Malaking bagay siguro iyong matagal naming pagsasama kaya kabisado na namin ang galaw ng isa’t isa,” wika ni Reyes Jr. na nakabawi rin sa kanyang 2017 Kuala Lumpur, Malaysia bronze medal finish sa singles event.
Silver medal naman ang naiuwi ng pares nina Rinna Babanto at Dustin Jacob Mella sa recognized Poomsae mixed pair sa kabuuang puntos na 8.233.
Napagwagian ng Malaysian duo na Jason Loo Jun Wei at Abdul Karim Nurul Hidayah ang gold medal sa pamamagitan ng 8.283 puntos habang bronze medals ang nakuha nina Sengmueang at Phenkanya Phaisankiattikun ng Thailand na may 8.099 at grupo nina Kadek Dwipayana at Defia Rosmaniar ng Indonesia na may 7.866 puntos.





Comments