PHL, malakas sa sagwanan, Canoe, 3 gold; Obiena, gold

Photo: Espn5
Pabilisan sa pagsagwan ang nagdala sa Pilipinas ng tatlong (3) gintong medalya kahapon ng umaga sa 30th Southeast Asian Games sa magkahiwalay na karera sa Subic, Zambales.
Sa wakas ay nagawa ng makuha ni Hermie Macaranas ang inaasam na gold medal sa SEAG matapos sagwanin ang unang puwesto sa men’s 200-m singles canoe event sa Malawaan Park sa Subic Bay sa Zambales.
Matapos bigong masubukang makuha ang gold medal noong 2015 Singapore meet, inireserba lahat ni Macaranas ang tinatago niyang lakas sa pagsagwan upang lampasan ang tatlong tansong medalyang nakamit, apat na taon ang lumipas, para sa unang gold sa 30th edition ng biennial meet.
“Siyempre iba iyong sayang nararamdaman ko ngayon kasi walang SEAG sa Malaysia noon eh, kaya dito nakabawi tayo,” wika ni Macaranas, na unang nagwagi ng 2 gold at 1 silver medal sa DBS Marina Regatta sa Singapore ngayong taon.
Nagawang unahan ng 24-anyos na miyembro rin ng National Dragon boat team ang kanyang mga katunggali sa pamamagitan ng naiposteng 43.60 seconds na oras, habang nakuntento sa silver medal si Win Myo Hlaing ng Myanmar na may nakuhang 43.75 segundo, samantalang bronze medal finish ang iniuwi ni Duong Anh Duc ng Vietnam sa oras na 44.33 sec.
Bahagyang kinapos sina Macaranas at Ojay Fuentes para mag-uwi ng silver medal sa Men’s 200m doubles na may nairehistrong oras na 41.08 segundo, ngunit nagawa nilang malampasan ang natamo nilang bronze medal finish sa 2017 Singapore Games.
”Pinaghandaan ko talaga ito ng husto. Inisip ko talaga na kailangan ako naman ang manalo, kasi yung ibang kalaban ko rito halos mga beterano at bago,” pahayag ng 2019 Haihe River International Dragonboat gold at silver medalist.
Ito na ang ikalawang silver medal ni Macaranas nang kunin ang unang pilak noong Biyernes sa men’s 1000-m event sa oras na 4:21.67 minutes sa likod ni Mahawattanagkul Pitpiboon ng Thailand na may 4:19.94 para sa gold, habang bronze kay Marjuki sa 4:24.21 minutos.
Kumana rin ng tig-isang gold medal ang National Rowing team sa men’s lightweight single sculls at women’s lightweight double sculls sa Triboa Bay. Inirehistro ni Cris Niervaez sa oras na 7:34.27 ang unang gold medal sa men’s lightweight sculls finals na sinundan ni Siripong Chaiwichitchonkul ng Thailand na tumapos ng silver sa 7:35.01, kasunod ni Kanan Kusmana ng Indonesia sa 7:39.54 para sa bronze medal.
Hindi rin nagpahuli ang tambalang Joanie Delgaco at Melcah Jen Caballero nang kunin ang ikalawang gold medal sa women’s doubles sa oras na 7:24.21 minutos. Pumangalawa sa kanila para sa silver medal sina Hao Dinh Thi at Huyen Ta Thanh ng Vietnam sa 7:27.65 minuto at sina Shwe Zin Latt at Win Nilar ng Myanmar para sa bronze sa 7:40.23 minuto.
Samantala, nakapagdagdag ng isa pang gold medal ang mga Pinoy gymnasts sa kanilang napanalunan makaraang magwagi ni Daniela Dela Pisa kahapon ng umaga sa hoops ng Rhythmic Gymnastics event sa Rizal Memorial Coliseum.
Tumapos na pangalawa sa nakaraang qualifying, nagtala ang 16-anyos na Cebuana ng kabuuang iskor na 17.750, upang magapi ang mahigpit na katunggaling Malaysian na si Izzah Amzan (16.500) na nag-uwi ng silver at kakamping si Amy Kwan (15.900) na nanalo ng bronze. Sa kanyang pagkapanalo ng gold nadagdagan ang naunang dalawang bronze medals na nakopo ni Dela Pisa sa ball at clubs events.
Samantala, pinatunayan talaga ni Tokyo Olympics-bound Ernest Obiena na walang makakapigil sa taas ng kaya niyang marating sa mundo ng Pole Vault sa buong mundo – ito’y matapos niyang gibain ang Southeast Asian Games record, kagabi sa New Clark City Athletics Stadium.
Tumalon ng 5.45-m ang 23-anyos na dating engineering student para sa gold medal victory at sirain ang record ng mismong kalaban nitong si Porranot Purahong ng Thailand na tumapos lamang ng silver medal sa 5.20-meters. Pumangatlo si Iskandar Alwi ng Malaysia na may 5.00 marka para sa bronze medal.
Bigo ang isa pang Pinoy na si Hokett Delos Santos na makakuha ng podium finish sa last spot sa 4.60 mark.





Comments