top of page
Pokwang.jpg

Malinis na Maynila vs. mga kumakalam na sikmura

Ryan B. Sison
Dec 8, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Likas sa ating mga Pinoy ang maging madiskarte pagdating sa paghahanapbuhay.

‘Yung tipong kahit pinagbawalan tayo, gagawin pa rin natin para kumita, lalo na kung ito lang ang tanging pinagkukunan natin ng pera.

Kaugnay nito, sa kabila ng pagbabawal ng pamahalaan ng Maynila sa mga nagtitinda sa ilang kalsada sa Divisoria, kani-kanyang diskarte pa rin ang mga tindero.

Tulad ng isang tindero ng ubas, mangiyak-ngiyak nitong sinabi na napipilitan siyang magbenta kahit pakonti-konti para may maipambili ng bigas at matustusan ang pang-maintenance ng anak na may epilepsy.

‘Mobile food cart’ naman ang gamit ng isang tindero kung saan nakahinto lang aniya siya kapag may bumibili at kapag wala naman ay nagpapalipat-lipat ito.

Pero paalala ng Manila City Hall, zero vendors dapat ang Recto Ave., Juan Luna, Ylaya at Soler.

Samantala, puwede namang magtinda sa Santo Cristo, Padre Rada, Elcano at Tabora, pero may kondisyon, kailangang mapanatiling malinis ang puwesto at hindi mababarahan ang mga daanan.

At dahil dito, maya’t mayang naninita ang mga pulis kapag nasosobrahan sa paglalatag ng paninda ang mga ito.

Ang eksena tuloy, kapag dumating ang mga nagpapaalis, wala silang choice kundi magligpit na lang ng paninda at umalis nang mapayapa kesa magkainitan pa.

Nakikiusap sa lokal na pamahalaan ang ilang tindero na sana ay mabigyan sila ng pagkakataong makapagtinda, kahit ngayong Holiday Season lang dahil mas maraming namimili.

Sa totoo lang, kahit gustuhin nilang makapagbenta nang maayos — ‘yun bang may sarili silang puwesto ay hindi nila magawa dahil sa katiting na kita at mayorya pa nito ay napupunta sa kanilang pamilya.

Suhestiyon natin, baka naman puwede silang pagbigyan kahit limitadong oras lang bawat araw para lahat ay may tsansang makapagtinda at kumita, gayundin upang mabawasan ang mga pasaway na vendor.

Sa mga ganitong pagkakataon, huwag nating kalimutan ang dahilan kung bakit mas pinipili nilang sumuway sa utos kesa tumunganga sa bahay at walang makain.

Naiintindihan natin na ang mga pagbabawal na ito ay para rin sa ikabubuti ng mamamayan, pero paano naman sila kung mawawalan ng kabuhayan?

Panawagan sa kinauukulan, ikonsidera rin ang kanilang sitwasyon at hanapan ng solusyon ang problema, hindi puro pagbabawal lang.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page