Lalaki, nahulihan ng marijuana sa NAIA

Inaresto ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Biyernes ang isang lalaki nang tangkain nitong kunin ang parcel na naglalaman ng 973 gramong kush marijuana sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.
Kinilala ang suspek na si Joseph Marck Tamo, na may postal address sa Taguig City.
Ayon kay Port of NAIA District Collector Carmelita Talusan, ang nasabing package ay ipinadala ng isang James Barstow ng Pleasant Hill Rd., Kelso, WA. 9628, USA.
Ayon kay BOC-CMEC Chief Sally Mayorga, ang nasabing parcel ay dumating noong Nobyembre 28, 2019 kung saan idineklarang “Marvel Comic Child Sleeping Bag”.
Nang suriin, tumambad ang tatlong pirasong vacuum-sealed plastic pouch ng kush marijuana.
Ang kush weeds, na tinatayang may street value na P1.6 milyon ay nasa pangangalaga na ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) habang si Tamo ay kakasuhan sa paglabag ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
Nabatid pa kay Talusan, na isang claimant din ng 847 grams ng kush marijuana na may street value na P1.4 milyon ang hinuli sa CMEC noong July 1, 2019.





Comments