Babala: Pekeng pera nagkalat

Nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na alamin ang features ng tunay na pera para hindi mabiktima ng panloloko lalo na ngayong Holiday season.
Tiklo ang dalawang babae nang mamukhaan sila ng isang negosyante at ipaaresto sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa pagbili ng sticker wall decor gamit ang mga pekeng pera, sa Sta. Cruz, Manila, kamakalawa.
Kinilala ni Manila Police District-Station 3 Commander, PLt. Colonel Reynaldo Magdaluyo ang mga suspek na sina Myla Gudal, 36, vendor at Norhaina Mantil, 24, negosyante (buy and sell) kapwa residente ng Purok 5, Lower Bicutan.
Pormal na naghain ng reklamo ang isang Liberty Celis, 48, residente ng Quezon Boulevard, Sta. Cruz, Manila.
Batay sa ulat, alas-7:00 ng gabi nitong Disyembre 6 nang arestuhin ang mga suspek sa puwesto ng complainant sa Evangelista St., Sta. Cruz, Manila.
Una umanong nalusutan ng pekeng pera ang biktima at sa pangalawang pagkakataon ay tinangka na namang bumili sa kanya ang mga suspek ng sticker wall decor.
Namukhaan niya ang mga suspek at pinagdudahan ang ibinabayad na pera kaya agad isinuplong sa pulisya.
Narekober sa mga suspek ang kabuuang P12,000 na iba’t ibang denominasyon ng P50, P100, P200 at P500 bills. Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang mga suspek sa paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code o Swindling/Estafa at Art. 168 ng Revised Penal Code o Illegal Possession and Use of Counterfeit Money.
Patuloy pa ang imbestigasyon kung sino ang source ng mga counterfeit money na nagsimula umanong ireklamo ng mga vendors noong Nobyembre pa.





Comments