Pulis na dinapaan ang granada, patunay lang na may natitira pa ring bayani

Marahil, marami sa atin ang nakaranas nang bigla na lamang masusuong sa panganib. ‘Yung isang araw, wala sa hinagap natin na may magaganap na trahedya sa paligid.
Pero dahil sa ‘sugo’ na nakamasid, maliligtas tayo at iba pa nating kapwa. Sila ang mga taong tatatak sa ating alaala, habampanahon.
Isa sa kanila ang namayapang pulis na si P/Master Sgt. Jason Magno. Matatandaang, ibinuwis ni M/Sgt. Magno ang sariling buhay masiguro lang ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang nasa paligid ng Initao College sa Misamis Oriental nitong nakalipas na linggo.
Isang granada na inihagis ng umano’y nag-aamok na suspek na nakilalang si Ebrahim Ampaso Basher sa covered court ng nasabing kolehiyo ang walang pag-aalinlangang dinapaan ni G. Magno mapigilan lamang ang mas malaki pang panganib na idudulot nito sa lugar.
Dito natin mapatutunayang marami pa rin sa mga alagad ng batas ang taos-pusong tumutupad sa kanilang sinumpaang-tungkulin. Hindi inisip ang sariling kapakanan at kaligtasan maisalba lamang ang buhay ng mas nakararami.
Sa ipinakitang tapang ni G. Magno, pinatunayan niyang ang Pambansang Pulisya ay patuloy pa rin nating maaasahan bilang gabay, tagapagtanggol at tagapagligtas.
Muli, tayo, gayundin ang ating mga kasamahan at liderato ng Senado ay nagpapaabot ng taos-pusong pakikiramay sa mga naiwang mahal sa buhay ni M/Sgt. Magno, at pumupuri, sampu ng sambayanang Pilipino, sa kanyang hindi matatawarang kabayanihan.
◘◘◘
MULA sa opisyal na pagsisimula ng 30th Southeast Asian Games noong ika-30 ng Nobyembre, walang humpay na umarangkada sa pagsungkit sa mga gintong medalya ang koponan ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat natin ang ating kolum, mahigit 144 na ang nakukuha nating medalya mula sa iba’t ibang kategorya at pinakamarami sa mga nasungkit natin ay ginto.
Talaga namang nakatataba ng puso dahil patunay ito na hindi nasayang ang paghihirap, pagod at pagtitiis ng ating mga magigiting na atleta.
Hiling lang natin, bilang pagkilala sa kanilang ipinakitang kagila-gilalas na performance ay bigyan din sila ng pamahalaan ng kaukulang pagkilala at parangal.
Mabuhay ang ating mga bayaning atleta, mabuhay ang sambayanan! We Win As One!





Comments