Iba’t ibang yugto ng pamamaga ng thyroid gland
- Shane M. Ludovice, M.D
- Dec 7, 2019
- 1 min read
Dear Doc. Shane, Ako ay 38 years old, mananahi at may 3 anak. Nais kong malaman kung makare-recover pa ba ang thyroid pagkatapos ng thyroiditis? Salamat! — Mayet
Sagot Ang thyroiditis ay tumutukoy sa pamamaga ng thyroid gland. Ito ay mayroong tatlong yugto — ang thyrotoxic phase, euthyroid phase at hypothyroid phase.

Thyrotoxic phase kung saan tumatagas ang thyroid hormones sa thyroid gland kaya mataas ang T3 at T4 sa dugo.
Euthyroid phase kung saan bumabalik sa normal level ang thyroid hormones sa dugo.
Hypothyroid phase kung saan mababa ang level ng thyroid hormones sa dugo.
Hindi lahat ng may thyroiditis ay nauuwi sa pagiging hypothyroid kung saan mababa ang T3 at T4, at mataas naman ang Thyroid-Stimulating Hormone (TSH). Kailangang uminom ng l-thyroxine tablets para maging normal ang level ng T3, T4 at TSH.
Depende sa uri ng thyroiditis kung magiging permanente ang hypothyroidism. Kung permanente ang hypothyroidism, habambuhay na kailangang uminom ng l-thyroxine.
Ang hypothyroidism ay kadalasang permanente na pagkatapos ng Hashimoto’s thyroiditis.
Kung ito ay sub-acute thyroiditis, maaaring isa hanggang tatlong buwan mapapansin ang sintomas na dulot ng hindi normal na level ng thyroid hormone. Bumabalik din sa normal ang thyroid pagkatapos ng isang taon (12 months) hanggang isa’t kalahating taon (18 months). Ang tsansa na maging permanente ang hypothyroidism ay 5% lamang.
Kung postpartum, silent o painless thyroiditis, isang taon (12 months) hanggang isa’t kalahating taon (18 months) din bago bumalik sa normal ang thyroid. Ang tsansa na maging permanente ang hypothyroidism ay 20%.





Comments